‘Isa talaga siyang ideal girlfriend’
NANG maimbitahan kami sa pocket interview ni Xian Lim ay napaisip kami dahil para saan at bakit? Update raw sa seryeng My Binondo Girl at dahil may bagong pinagkakaabalahan na ang leading man ni Kim Chiu.
Kaya naman nang ma-one-on-one interview namin ang guwapong aktor ay agad naming tinanong, “Bakit may solo presscon ka, feeling mo sikat ka na? Binibigyan ka na ng importansiya?”
Hindi agad nakasagot si Xian dahil parang kinakapa pa niya kung nagbibiro lang ba kami sa mga sunud-sunod na tanong na ibinato namin sa kanya kasama sina katotong Dondon Sermino at Monching Jaramillo.
“I feel very thankful, kanina nga pagkapasok ko, kasi I was so used to, na marami kami, so tanong ko sa sarili ko, ako lang ba ‘to?” nakangiting sabi ng aktor.
Nabanggit namin na hindi na siya tulad ng dati na one of those lang dahil sabi nga niya, marami sila pag humaharap sa presscon, pero hindi ito sinang-ayunan ni Xian, “Hindi naman po one of those,” mabilis niyang sagot.
“Pero bigla akong nahiya (solo presscon). Napi-feel ko po na marami na akong schedules,” say ng binata na ipinipilit ng katotong Dondon na, “Bakit ayaw mong aminin na big star level ka na?” “Ayoko naman pong sabihin na big star, para namang mayabang.
And napi-feel ko po ‘yung pressure. And thankful naman ako na nararamdaman ko ‘yung pressure kasi matagal ko ring hinihiling ‘yun kasi ibig sabihin may trabaho, ibig sabihin I’m doing okay, it’s a blessing,” paliwanag pa niya.
Sa totoo lang, mabilis nga ang pag-angat ni Xian dahil nakakatatlong taon pa lang siya sa ABS-CBN ay marami na siyang programang nilabasan at heto’t ginawa na nga siyang isa sa leading man ni Kim sa My Binondo Girl.
Sipag at tiyaga naman daw kasi ang ginagawa ng aktor at, “Siguro po, kapag may pinapagawa sila sa akin, I do it whole heartedly. Lahat ng workshops to improve myself, tinatanggap ko po lahat, hindi ko po inaayawan,” katwiran niya.
Aminado si Xian na sa My Binondo Girl siya talaga napansin nang todo, “Dito po ako sobrang thankful, hindi ko akalain na ganito ang mangyayari.”
At ang loveteam nila ni Kim ang naging daan kaya siya lalong napansin? “Yes po. Pati yung comfortability namin sa isa’t isa, mapapasalamatan ko rin yun. Mapu-point out ko rin yun na malaking factor. Kasi, ako, hindi ako naiilang kay Kim,” pag-amin ng aktor.
Pero hindi raw dahil kay Kim kaya napansin si Xian, “Ayoko naman pong sabihin na ganu’n. I would say na I’ve worked hard to reach this naman—or to reach where I am now. Pero, nakatulong po, of course. And I’m really thankful na nakatrabaho ko po siya,” paliwanag ni Xian.
Dahil maganda naman ang chemistry nina Andi (Xian) at Jade (Kim) ay tinanong namin kung may nararamdaman ba siyang posibleng magkagusto o kinikilig siya sa dalaga tuwing magkasama sila sa set? “Kinikilig talaga ako kay Kim. Totoo naman, hindi ko naman itinatanggi,” sabi niya.
Totoo bang kinikilig o promo-promo lang ang sagot ni Xian? “Hindi. Meron pong behind the scenes. Makikita n’yo pa ‘yan,‘yung tinatago nila, ‘yung nakukunan sa camera na hindi pinalalabas.
“Kasi, yung first time na scenes namin. Kasi, first time ko na magka-loveteam, e. First time kong magkaroon ng closeness. Co-actor ko, dapat close na close, naging girlfriend ko (istorya). ‘Yung eksena na hahalikan ko siya, pinapawisan ako.
Sabi ko, ‘Ano na nangyayari?’ Tapos nanginginig ako. Sabi ko, ‘Sandali lang. Sandali lang.’ Talagang inamin ko na, sabi ko, kasi the more I hold it back, lalo lang lalabas, e
. “Aaminin ko na, kinakabahan ako. Hindi ko na alam kung ano’ng nangyayari sa kin. Siguro, nahihiya na ‘ko.’ Ganu’n-ganu’n. ‘yung first kiss nina Andy at ni Jade,” nahihirapang kuwento ni Xian dahil nahihiya. Dagdag pa niya, “Kim is the ideal girl. Nasa kanya lahat yung qualities, e.”
Tinanong namin ng diretso si Xian na nakatulong ba ang pagkawala ni Jolo sa istorya dahil nagkasakit ito at naospital kaya naiba ang takbo ng istorya? “Baka naman talagang meron din akong part sa story? Siyempre, ayoko namang maging thankful na nagkasakit si Jolo.”
At dahil bukambibig na ngayon ang loveteam nila ni Kim ay posible na bang maging totoo na hanggang off-camera? “Lagi ko po naman sinasabi na hindi ko pipigilan kung may mangyari man. Kung may ma-develop, hindi ko pipigilan. Basta lagi kong sinasabi sa sarili ko—focus, focus, focus sa trabaho.”
Ibang klase raw kasing ma-in love si Xian, kinakalimutan ang lahat para sa minamahal at wala siyang hindi gagawin para sa babae kaya hanggang makakaiwas siyang umibig ay iiwasan niya para mas mag-focus siya sa career.
Pero aminado ang binata na may napi-feel na siya kay Kim, “Nami-miss ko ‘yung mga nakakatawang moments pag magkasama kami. Siyempre, nag-uusap kayo. Tapos may mga times na nagki-click yung ideas.
Parang pareho kayo ng iniisip. Tapos, alam mo yung iniisip niya, alam din niya yung iniisip mo. Pero hindi n’yo binabanggit sa isa’t isa na parang meeting of the minds.”
Sabi nga namin kay Xian, “In love ka na kay Kim, pero ayaw mong aminin at ayaw mong i-entertain.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.