Duterte utak-pulbura—CHR
KINONDENA ng Commission on Human Rights (CHR) si Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos itong magbantang papatayin si Davidson Bangayan na siya ring hinihinalang si David Tan, isang big time na rice smuggler.
Tinawag ding “utak pulbura” ni CHR chairperson Loretta Ann Rosales si Duterte sa ginagawa nitong pagbabanta kay Bangayan sa harap mismo ng Senate committee on agriculture noong Lunes.
Sa panayam ng Inquirer Radio 990AM, umapela si Rosales sa Senate legal and investigation department na tingnan ang mga paglabag ni Duterte nang magbanta ito kay Bangayan, dahil isa umano itong pambabastos sa Senado.
Idinagdag niya na dapat ay na-contempt din si Duterte dahil sa kanyang pinagsasabi sa Senado.
Sinegundagan naman si Rosales ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Sonny Coloma na nagsabi na bilang opisyal ng gobyerno, dapat ay ipatupad ni Duterte ang batas.
“Lahat ng opisyal ng pamahalaan ay mayroong responsibilidad at tungkulin na pairalin ang batas,” aniya.
Ipinagtanggol naman ni Sen. Cynthia Villar, senate chairman ng commitee on agriculture, si Duterte at sinabing “figure of speech” lamang ang sinabi ng alkalde.
Inihalintulad pa ni Villar ang death threat ni Duterte bilang pagdedeklara sa isang tao na “personan non grata.”
Samantala, hiniling naman niya sa pamahalaan na kanselahin ang pasaporte ni Bangayan.
“This is a greater punishment. If we will detain him in the Senate, what will it serve? He is attending our hearing, so there’s no problem,” aniya.
Noong Lunes ay dinakip si Bangayan ng National Bureau of Investigation (NBI) hindi dahil sa pag-smuggle ng bigas kundi sa pagnanakaw ng kuryente. Pinalaya naman siya makaraang magpiyansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.