Ni John Roson NAPIGILAN ng mga awtoridad ang dalawa sanang malakas na pagsabog nang marekober at madisarma ang dalawang bomba malapit sa pinangyarihan ng Maguindanao massacre kahapon, ikalawang anibersaryo ng insidente. Natagpuan ng mga tauhan ng Army ang bombang gawa sa bala ng 81-millimeter mortar sa kahabaan ng National Road, malapit sa massacre site sa Sitio Masalay, Brgy. Salman, bayan ng Ampatuan, alas-5:30 ng umaga, ayon kay Dir. Felicisimo Khu, hepe ng PNP Directorate for Integrated Police Operations in Western Mindanao. Alas-6:35, isa pang improvised explosive device na gawa sa bala ng 105-millimeter Howitzer cannon ang natagpuan sa kalsada, malapit sa Camp Imam Malang ng Moro National Liberation Front. Isang pagsabog ang naganap sa Ampatuan matapos matagpuan ang mga IED, ngunit sinabi ni Khu na ito'y dulot lang ng pag-disarma sa isa sa mga bomba. "The explosion near the Phoenix Gas Station in Poblacion, Ampatuan, was not a separate incident but was actually the disruption of the 81mm IED," anang opisyal. Maaring itinanim ang mga IED, na "signature bombs" ng Moro Islamic Liberation Front "lost command," para guluhin ang paggunita sa masaker, sabi naman ni Col. Leopoldo Galon, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command. Samantala, itinama ni Maguindanao PNP director Senior Supt. Marcelo Pintac ang nauna niyang ulat na limang IED ang natagpuan sa lalawigan at kinumpirma ang report ng Army na dalawa lang ang bomba. Natapos ang commemoration activities sa massacre site, na dinaluhan ni Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo at iba pang VIP, alas-11:30 na walang naiulat na nasugatan, ani Khu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending