NAHAHARAP pala sa reklamong graft itong si Health Secretary Enrique Ona dahil sa umanoy pakikialam at pagpabor sa isang kontratista o kumpanya. Ang reklamo ay nakabatay sa Section 3 ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na dahil sa pagpapakita ng umanoy bias o pagkiling sa isang panig na ang gamit ay ang kanyang opisyal na kapasidad.
Ang mismong nakasaad sa Section 3 ay ito, “Causing undue injury to any party including the government or giving any party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through a manifest partiality….”
Si Ona ay inireklamo ng kumpanyang Northern Builders tungkol sa proyektong nai-award o naipagkaloob na sa kanila ng Special Bids and Awards Committee para sa design and building ng Region 1 Medical Center sa Dagupan City, Pangasinan.
Isinabit din ang ilan pang opisyal ng kagawaran. Simple ang reklamong inihain nila sa Ombudsman, na kuwentong nadinig na rin mula sa iba sa DOH.
May bidding, checked. May nanalong bidder, checked. May nagreklamong losing bidder, checked. Ngayon ang natalong bidder, nagreklamo sa tanggapan ni Ona at maging sa tanggapan ni Pangulong PNoy mismo.
Pinagpaliwanag ang Special Bids and Awards Committee rito batay sa reklamo ng talunan na Specified Contractors and Development Incorporated.
Anim ang nag-bid, inaward ang kontrata sa Northern Builders.
At dahil may nagreklamo nga, ay mabilis na umaksyon si Ona.
Ang ipinagtataka lang ng NB sa pamamagitan ng abogado nito na si Atty. Rene Puno, ay kung anong bilis ni Ona na tugunan ang reklamo ng losing bidder ay kung bakit hindi man lang sila pinakinggan ng kalihim.
Walang mali kung magrklamo ang talunang bidder. Ngunit kung ang sinasabi na sa Central Office ng DOH ng mismong tauhan nito na transparent and bidding at walang anomalya ngunit iginigiit pa rin ng mismong Central Office ng DOH ang re-bid na pumapabor sa nais ng nagrereklamo, tila may pakikialam na dito at lumalabag sa dapat ay independence ng bidding process per se.
Nalaman natin na na-i-set ang re-bid noong December 28 ngunit hindi na itinuloy nang nalaman nilang inireklamo na sila ng pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan sa pagpapakita ng pagkiling sa isang partido sa isang transaksiyon sa gobyerno.
Kung bakit hindi pinakinggan ng Central Office ang mismong paliwanag ng SBAC at sa halip ay iginiit ang mga puntos ng isang talunang bidder ay dapat na maipaliwanag.
Naroon ang presumption of regularity. Kung may mali ang SBAC sa pagpapanalo sa Northern Builders, dapat ay may administrative sanction ito o kaya ay pinalitan ang mga bumubuo nito.
Kung sa DOH at sa Tanggapan ng Pangulo nangalampag ang talunang bidder, sa tanggapan naman ng Ombudsman tumakbo ang bidder na ginawaran ng kontrata noon pang August 23 ng nagdaang taon.
Alam nyo ba na may isa pang kaso ang meron sa DOH na ganito rin ang sitwasyon? May reklamo rin ng pakikialam at pagpabor sa awarding ng kontrata ang Central DOH Office sa iba pang mga proyektong may kinalaman sa rehabilitasyon ng mga pagamutang pampubliko.
Tila may pattern. Ganu’n na pala ang pattern ngayon, pag natalo, takbo sa DOH, takbo sa pangulo. Kung hindi pumalag ang nanalong bidder, swerte ng naghabol, tapos na ang kuwento. Nabago na ang kuwento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.