HINDI si Vhong Navarro ang dapat kaawaan, tulad ng ipinalalabas ng istasyon ng telebisyon na matagal nang niloloko ang mahihirap, na matagal nang pinapalakpakan ang pangangalunya, ang pagkakaroon ng maraming karelasyon, ang pagpapalit ng karelasyon linggu-linggo, ang kunwaring pagbubulgar sa demonyo at kalaswaang pakikipagtalik sa di asawa.
Nakalulungkot na ang istasyong ito ay malapit pa man din sa Ikalawang Aquino, ang bugtong na anak na lalaki nina Ninoy at Cory. Pero, sadyang napakalaswa na ng istasyong ito.
Bukod sa malaswa ay may kinikilingan pa sa pagbabalita at hindi patas, araw-araw (mantaking nananahimik na ang isyung Vhong-Deniece ay binuhay pa para mabaling ang batikos sa tamad).
Ang isyu ay dalawa lamang, muna, pero ito ang mga pangunahing isyu para naman huwag nang maholdap sa kalye ang arawang obrero at maibsan ang kanyang paghihirap. Ang mga ito ay bitay at kahirapan.
Marami, at napakarami, nang isyu ang tinalakay sa editorial sa nagdaan, sa nakalipas. Pero, ang pangunahin ngayon ay bitay at kahirapan.
Pagkalipas ang pitong taon, nagising ang Kongreso (hindi ang Bandera, ha) na napapanahon na para ibalik ang sukdulan, ang pinakamataas na parusa, ang bitay.
Umayon ang ilang mambabatas sa pananaw ng Bandera, na ang bitay ay bayad ng karumal-dumal na kasalanan. Dapat! Luma, at pinaglumaan, na kasi ang pananaw na ang bitay ay makapipigil sa krimen, tulad ng nasa tuktok, sa ilalim ng anit, ni Tito Sotto. Yung firing squad nga ni Marcos, hindi nakapigil sa droga, bitay pa?
“Influx of heinous crimes” ang tawag ni Sotto sa kanyang pagbuhay sa Republic Act 7659, ang batas sa death penalty, bitay, na bumitay ng kondenado noong 2000 sa pamamagitan ng lethal injection, pero inalis noong 2006.
Inalis ng ina ng Ikalawang Aquino ang bitay sa 1987 Constitution at nagtaka ang buong Asya dahil ang Pilipinas lang ang nag-alis ng bitay. Ha!?
Nagpiyesta’t namayagpag ang mga kriminal kaya’t ibinalik ito ni Fidel Ramos noong Dis. 1993. Gusto ni Joseph Estrada ang bitay at sinampulan si Leo Echegaray. Anim pa ang nabitay at noong Dis. 2000, ipinahinto ito ni Erap dahil Catholic Jubilee Year.
Klap-klap-klap. Ha? Noong Hunyo 2006, inalis ni Gloria Arroyo ang bitay. Pitumpu’t-pito ang binitay pagkatapos ng World War 2, at 35 sa administrasyon ni Ferdinand Marcos (kaya pala, walang drug lord noon, dahil meron pang na-firing squad).
May nakabimbing panukalang batas sa bitay sina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez sa mga dayuhan na masasangkot sa droga. Pero ito’y nakatengga lang.
Ayon kay Sotto, hindi siya pabor na isama sa bibitayin ang mga kongresista’t senador na magnanakaw sa perang buwis ng arawang obrero dahil sa kanyang paniwala, na hindi maaaring magkatotoo, ay magbabago ang mga demonyong kongresista’t mga senador.
Kailan ba nagbago ang magnanakaw? Oo nga pala, nagbago ang isang magnanakaw nang siya’y nakabayubay na sa krus, pero binitay pa rin siya. Bitayin ang pumapatay na mga nakamotor.
Bitayin ang mga holdaper sa jeepney, bus at taxi. Bitayin ang mga adik dahil wala nang silbi ang mga rehab centers. Hindi pa ba sapat iyan?
Hindi ba maliit na pakiusap iyan kapalit ng hustisya sa mga biktimang hindi kayang tustusan ang magastos at maabalang paglilitis?
Ang manlolokong Malacanang, malakas daw ang ekonomiya dahil tumaas pa ito ng 7.2% sa gross domestic product (sa Tagalog, gawa dito sa Pilipinas, para maunawaan ng lahat).
Kung mayaman na tayo, bakit tumaas, at napakataas na ng presyo, ng pangunahing mga bilihin? Bakit mataas, at pinakamataas, ang singil sa kuryente sa buong bansa, lalo na sa Mindanao, na presyong ginto na sa Diwalwal ang katumbas sa serbisyong tigib pa ng brownout?
Para kay Kabataan Rep. Teddy Ridon, hindi maipagbubunyi ang paglago ng ekonomiya ni Aquino gayung sa labas ng Kamara, sa Barangay Batasan Hills, ay kumakalam ang sikmura ng mahihirap.
Ano pa sa buong bansa? Ano pa sa Samar at Leyte? Marami pa rin ang bilang ng mga walang trabaho at araw-araw ay nadaragdan ito dahil sa nagsasarang mga negosyo, natatanggal na mga obrero sanhi ng maraming dahilan pero pangunahin ang mababa at kawalan ng benta ng produkto, nagkakasakit, nagreretiro at namamatay at pinapatay dahil walang seguridad ang mahihirap pero may proteksyon ang mayayaman at makapangyarihan.
Ang Mindanao ay patuloy na niraragasa at sinasalanta ng sunud-sunod na low pressure area, pati na ang mga bagyong Agaton at Basyang.
Inilumpo na rin ito ng 12 oras na brownout at paghinto ng turbina ng kuryente, ang patuloy na bakbakan ng militar at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang smuggling ng bigas (hindi yayaman ang bayan, lungsod at gobyerno kapag may smuggling, na talamak sa gobyernong dilaw ni Cory, dahil ang nananagana lamang ay ang bulsa ng iilan, ang bulsa ng tropang Quezon, ang bulsa ng tropang Batanes, ang bulsa ng nasa poder ng tuwid na daan).
Ang sabi ng gobyerno at ng sinungaling na bayarang mga survey, maganda ang ekonomiya. Iyon pala, para lamang sa iilang mayayamang pamilya na nakikinabang sa pangungunsinti ng gobyernong Aquino.
Ang mahihirap ay walang kapangyarihan, walang tinig, walang magagawa. Sila lamang ang bibitayin at pahihirapan pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.