SA loob ng 17 taon pagbibigay ng serbisyo ng inyong Bantay OCW, sari-saring kaso ng mga OFW ang natunghayan ng programa.
Pero karamihan sa mga kasong natatanggap namin ay may kinalaman pa rin sa ating mga kababayang humihingi ng tulong upang mapauwi ang kanilang mga kaanak mula sa ibayong-dagat.
Katulad na lang nang makausap namin si Jennifer Ortega ng Pampanga, na kakauwi lang mula sa Dubai, United Arab Emirates.
Gaya ng maraming mga OFW, tumakas siya mula sa kanyang employer. Mabuti na lamang at ligtas siyang nakauwi sa bansa nito lang mga nakaraang araw.
Hiling niya ngayon na sana’y matulungan rin ang kaniyang mga naging kasamahan na naroon pa sa Deportation Center ng Immigration sa Dubai, UAE.
Mga 50 pa anya ang natitira pa roon na gusto ring makauwi na sa bansa.
Karamihan sa kanila ay mga tumakas sa kanilang mga amo bunsod ng pang-aabuso at hindi pagkatupad sa kontrata at iba pang kadahilanan.
Isang linggo lang ang ipinaghintay ni Jennifer sa deportation center bago nakauwi, gamit ang sariling pera.
Ang mga kasamahan ay mahigit apat na buwan nang naghihintay para makauwi.
Reklamo nila, na bukod sa mabagal na aksyon ng mga opisyal ng konsulado roon, hindi rin sapat ang pagkain na ibinibigay sa kanila.
May binanggit si Jennifer na isang beses lang sa isang araw sila kung bigyan ng pagkain. Kung wala silang perang hawak, tiyak na hindi sila makakakain.
Nauuanawaan natin ang mga hinaing na ito ng ating mga kababayan na naghihintay ng kanilang repatriation. Pero ipinaliwanag rin natin kay Jennifer na hindi talaga madali ang pagproseso ng pagpapauwi sa mga OFW lalo na sila na tumakas sa kanilang mga employers.
Marami itong pagdadaanang clearance mula sa mga kinauukulan sa ibang bansa bago pa masimulan ang pormal na mga proseso para makauwi na sila sa tulong ng mga opisyal at kinatawan ng ating Embahada at Konsulado.
Sa ating bahagi naman, kapag makuha na ng inyong Bantay OCW ang kumpletong mga detalye mula sa kay Jennifer hinggil sa mga kasamahan nitong naroon pa rin sa deportation center, kaagad tayong makikipag-ugnayan sa ating mga katuwang sa Konsulado ng Pilipinas sa Dubai upang malaman ang status sa pag-uwi ng ating mga kababayan.
Nakatanggap tayo ng mensahe sa pamamagitan ng Bantay OCW facebook page mula kay Raquel Umerez na naunang humingi ng tulong para mabawi ang kaniyang pasaporte mula sa AMD agency.
Kaagad tayong nakipag-ugnayan kay Raquel upang malaman kung bakit hindi pa rin siya napapaalis nito patungong ibang-bansa at kung bakit ayaw pa nilang ilabas ang pasaporte, na kaniya namang personal property.
Nang suriin naman ng inyong Bantay OCW sa website ng Philippine Overseas Employment Admnistration (POEA), wala tayong nakitang record ng nasabing local agency.
Mabuti na lamang at kaagad na isinauli ng AMD agency ang pa-saporte ni Raquel kung kaya’t muli siyang nagpaabot ng pasasalamat sa naibigay na tulong ng programa.
Ipinapaalaala nating muli sa mga kababayan nating OFW at sa mga nagnanais mag-aplay at sumubok na maging OFW sa hinaharap na maging responsible at maingat na mga mamamayan.
Makakabuti kung titiyakin muna nating mayroong lisensya ang inaapalayang recruitment agency mula sa POEA, kung ilan pa ang natitirang job order sa inaalok nilang patrabaho at kung talaga nga bang nasa record ng POEA ang principal o counterpart agency sa ibang-bansa o ang magiging employer sa abroad.
Sa pamamagitan ng mga ito, mas maiiwasan nating maging biktima ng anumang uri ng Illegal Recruitment.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700. E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.