Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Barangay Ginebra vs Globalport
8 p.m. San Mig Coffee vs Talk ‘N Text
Team Standings: Barangay Ginebra (10-2); Rain or Shine (10-3); Petron Blaze (9-4); Talk ‘N Text (7-5); San Mig Coffee (6-7); Barako Bull (5-8); Globalport (5-8); Meralco (5-8); Alaska
(4-9); Air21 (3-10)
SISIGURADUHIN ng Barangay Ginebra San Miguel ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa pamamagitan ng pag-ulit kontra Globalport sa pagpapatuloy ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ikaapat na sunod na panalo naman ang target ng San Mig Coffee kontra defending champion Talk ‘N Text sa pangalawang laro dakong alas-8 ng gabi.
Ang Gin Kings ay nangunguna sa kartang 10-2 at nakabawi na sa 83-79 pagkatalo sa San Mig Coffee nang magwagi kontra Barako Bull, 90-83, noong Linggo.
Kung makakaulit ang Gin Kings sa Batang Pier na tinalo nila, 109-104, noong Nobyembre 28 ay makakatiyak sila na magtatapos sa unang puwesto at magkakaroon ng twice-to-beat na bentahe sa quarterfinal round.
Ang Globalport naman ay nakasiguro na ng playoff para sa quarterfinals matapos maungusan ang Alaska sa overtime, 91-88, noong Linggo para sa 5-7 kartada. Sakaling makaganti sila sa Gin Kings ngayon ay puwede silang magtapos sa ikalima o ikaanim na puwesto at mapalaban ng best-of-three sa quarterfinals.
Subalit mahirap ang misyong iyon lalo’t hindi pa rin makapaglalaro ang leading scorer ng Globalport na si Jay Washington na may foot injury. Ang pagkawala niya ay pupu-nan nina Eric Menk, Kelly Nabong at Jondan Salvador bukod pa kina Sol Mercado, Terrence Romeo at RR Garcia.
Ang Gin Kings ay pangungunahan ng mga higanteng sina Gregory Slaughter at Japeth Aguilar na makikipagtulungan kina Mark Caguioa, LA Tenorio, Chris Ellis at Mac Baracael.
Ito ang unang pagkikita ng San Mig Coffee at Talk ‘N Text sa torneo.
Ang Talk ‘N Text ay natalo sa Rain or Shine, 90-88, sa huling laro nito subalit nanatili sa ikaapat na puwesto sa record na 7-5. Galing naman ang San Mig Coffee sa tatlong magkasunod na panalo kontra Barangay Ginebra (83-79), Air21 (67-60) at Petron Blaze (113-92) para sa 6-7 record.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.