ANG mga manlalaro ng bansa sa basketball ang siyang tunay na nagdala ng palakasan ng Pilipinas noong 2013.
Hinablot ng Gilas Pilipinas ang pilak na medalya sa FIBA Asia Men’s Championship na ginawa sa Mall of Asia Arena sa Pasay City mula Agosto 1 hanggang 11.
Nasundan ito ng isa pang pilak na medalya ng Philippine Youth team sa FIBA Asia Under-16 Championship sa Tehran, Iran habang ang PH Under-18 3-on-3 squad ay nanalo ng ginto sa FIBA Asia Under-18 3×3 na nilaro sa Chinese Taipei.
Lahat ng tagumpay na ito sa pinakapopular na sport sa Pilipinas ay hindi mangyayari kundi sa mahusay na liderato ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Dahil dito, ang Philippine Sportswriters Association (PSA) ay gagawaran ang SBP bilang National Sports Association (NSA) of the Year sa PSA Annual Awards Night sa Enero 25 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Sina SBP president Manny V. Pangilinan, vice-chairman Ricky Vargas, vice president Al Panlilio at executive director Sonny Barrios ang siyang inaasahang tatanggap ng parangal sa gabi ng seremonya na handog ng MILO at ang Air21 bilang major sponsor.
Ito ang ikalawang sunod na taon na ang SBP ang siyang itinalaga sa parangal na ito dahil noong 2012 ay nagkasama sila sa parangal ng National Golf Association of the Philippines.
Dahil sa silver medal na pagtatapos, ang Gilas, na hawak ni coach Chot Reyes, at Youth team, na dinidiskartehan ni Jamike Jarin, ay tutulak din sa World Championships sa Spain at Dubai sa taong ito.
Nakalaro naman ang PH U18 3×3 team sa World Championship sa Jakarta, Indonesia noong nakaraang taon at kahit hindi umabot sa quarterfinals, nagkaroon pa rin ng kinang ang pagsali dahil si Kobe Paras ang siyang kinilala bilang slamdunk champion sa side event ng kompetisyon.
Ang iba pang pinarangalan bilang NSA of the Year ng PSA ay ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP), Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa), Wushu Federation of the Philippines (WFP) at Philippine Taekwondo Association (PTA).
May 123 ang bilang ng awardees sa gabing ito na maisasagawa dahil na rin sa suporta ng Smart Sports, Philippine Sports Commission, Philippine Amusement and Gaming Corp., ICTSI-Philippine Golf Tour, Philippine Basketball Association, Globalport, Rain or Shine, Philippine Charity Sweepstakes Office, Accel at 3XVI, Senator Chiz Escudero at SM Prime Holdings.
Tampok na parangal na ipapamahagi sa pagtatanghal na mapapakinggan ng live sa DZSR Sports Radio ay ang Athlete of the Year na igagawad sa Gilas Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.