NOONG 2013 ay halos puro kawalang pinansiyal na suporta o non-support ang kasong inilapit sa Bantay OCW.
Halos araw-araw ay ito ang kasong idinudulog sa atin ng mga asawang babae ng ating mga OFW. Meron na nabawasan ang suporta, o di kaya’y pumaly, o kaya ay tuluyan nang di nagpadala.
Maraming dahilan ang mga OFW, ngunit ang kadalasang dahilan kung bakit hindi na nakakapagpadala si mister o pumapalya na ang pagpapadala ay ang pagkakaroon nila ng kinakasama sa abroad.
Mabuti na lamang kung may hanapabuhay si misis sa Pilipinas. Ang kaso nga, marami sa kanila ay umaasa at halos manlimos na lamang sa mga asawang OFW para lang suportahan ang kanilang mga anak.
Ilan sa kanila, tanggap na ang pangangaliwa ni mister sa ibayong-dagat, basta pirmihan lang ang gagawing pagpapadalang suporta sa kanila.
Minsan may isang misis ng OFW ang nagtungo sa Bantay OCW upang ireklamo si mister na tiyempo namang nakabakasyon at nasa bansa.
Alam na niyang may kinakasama na ang asawa sa Qatar kaya’t ang pakiusap na lamang niya ay gawing regular ni mister ang suporta sa pamilya.
May tatlong anak sila, at pawang mga nag-aaral, may bahay na hinuhulugan at walang trabaho si misis.
Nang nalaman ni mister na nagsumbong sa Bantay OCW ang asawa, siya na mismo ang nagsabi na magharap-harap sila ng kanyang misis at tapusin ang problema bago siya bumalik ng Qatar.
Pinagharap namin ang mag-asawa sa studio ng Inquirer Radio sa Makati City.
Palibhasa’y suporta ang isyu kung kayat hiningan namin si misis ng listahan ng mga gastusin sa bahay. Wala naman siyang maibigay.
Simpleng tila di siya marunong gumawa ng kanyang listahan ng gastusin.
Sinimulan namin siyang turuan ng paggawa ng listahan para sa buwanang budget ng kanilang pamilya.
Nang matapos na namin iyon saka namin ginawa ang nararapat at makatarungang pagsasaayos ng budget na dapat ipadala ni mister sa kanyang misis buwan buwan.
Parehong paborable sa kanilang dalawa ang pormulang ginamit namin. Happy ang OFW na naglaan kami ng automatic savings na 20% para sa kanya, at tamang kinuwenta naman namin ang buwanang gastusin ng pamilya,
Matapos ang pirmahan ng dalawa sa naturang kasunduan, masayang nagpasalamat ang magkabilang- panig dahil hindi na nga naman sila nagsampa pa ng kaso sa korte na totoo namang gugugol ng kanilang maraming oras at dagdag gastos pa.
Kasabay nito, hinimok naman namin si misis na maghanap-buhay at tumulong din sa asawang OFW na magdadagdag ng kabuhayan para sa kanilang mga anak.
Sana ay matutong gumawa ng buwanang listahan ang ating mga misis upang may basehan kayo ng inyong hinihinging suporta sa inyong mga mister.
Kung mayroon kayong listahan, hindi naman magiging mahirap para sa ating OFW na magbigay ng buwanang suporta dahil iyon nga naman ang kanilang pangunahing dahilan sa pag-aabroad: ang mabigyan ng mabuting kinabukasan ang kanilang pamilya.
Pag nagawa ninyo ‘yan, tiyak na maiiwasan ninyo ang mga hindi pagkakaunawaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.