MASUSUKAT ang tibay ni World Boxing Organization (WBO) light flyweight champion Donnie Nietes sakaling magkrus uli ang landas nila ni Moises Fuentes ng Mexico sa taong ito.
Nagsagupa na ang dalawang mandirigma sa ring noong Marso 2 sa Cebu City at kumapit ang suwerte kay Nietes dahil nauwi sa majority draw ang laban para mapanatiling suot ang kampeonato.
May panghihinayang si Fuentes sa kinalabasan ng laban ngunit tanggap niya ang desisyon ng mga hurado.
“I think in that fight, I didn’t have enough experience,” pahayag ng 28-anyos na si Moises na dating hari sa WBO minimumweight division.
“Nietes is an old wolf but it was his hardest fight of his life. Nobody punished him like I did,” may pagmamalaki pa ng Mexican boxer na nakapanayam ng Doghouse Boxing.
Kung hindi mauunsiyami ay magkikita uli sila ni Nietes sa bandang Abril at tiniyak ni Fuentes na ang karanasang nakuha sa unang tagisan ay magagamit niya nang husto para makuha ang panalo.
“I know Nietes very well and its not hard to beat him. I’m focused on destroying Nietes,” may kumpiyansang pahayag pa nito.
May 19 panalo (10 knockouts), isang talo at isang tabla si Fuentes at tinapos niya ang 2013 sa pamamagitan ng tatlong dikit na panalo laban kina Gerardo Verde (unanimous decision), Luis De La Rosa (TKO 1st) at Omar Salado (TKO 7th) na ginawa noong Hunyo, Setyembre at Nobyembre.
Hindi naman nagpapahuli si Nietes na nakuha ang maituturing na pinakamabangis na panalo bilang isang light flyweight champion nang kunin ang third-round TKO panalo kay dating world challenger Sammy Gutierrrez ng Mexico noong Nobyembre 30 na ginawa sa Araneta Coliseum.
Determinado si Nietes na maipagpatuloy ang paghahari sa dibisyon dahil kapag nalusutan niya ang 2014, mapapantayan niya ang record ni Gabriel “Flash” Elorde na pitong taon na tumayo bilang isang world champion sa boxing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.