Solon, ex-Comelec exec sabit sa ‘bunkhouse’—Ping
ISANG kongresista at isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang sabit sa umano’y maanomalyang pagpa-patayo ng mga bunkhouses sa Leyte at Eastern Samar.
Ito ang kinumpirma ni Rehabilitation Czar at da-ting Senador Panfilo Lacson sa panayam ng Banner Story sa Inquirer Radio 990khz kahapon.
Bagamat hindi tinukoy ni Lacson ang pangalan ng dalawa, tiniyak naman nito na sapat ang impormasyon na kanyang hawak na siyang nag-uugnay sa dalawa na ngayon ay kasama sa iniimbestigahan hinggil sa umano’y maanomalyang konstruksiyon ng 203 bunkhouses para sa mga biktima ng super bagyong Yolanda noong isang taon.
Ang bawat bunkhouse ay hahatiin sa 24 mga silid at magiging pansamantalang tirahan ng mga nasalanta. Inilarawan ni Lacson ang dalawang opisyal bilang mga “amoral” o walang moral dahil sa pananamantala umano ng mga ito sa sitwasyong nangyari sa Leyte at Eastern Samar.
Una nang napaulat na overpriced ang mga ipintatayong bunkhouses na nagkakahalaga ng P959 milyon, na mariin namang itinanggi ng Department of Public Works and Highways.
Sinasabi na papalo lamang ang naturang proyekto sa P200 milyon. Ayon kay Lacson, bago pa lumabas sa media ang ulat ng iregularidad ay may natanggap na siyang reklamo tungkol dito.
“Day three pa lamang ng appointment ko, naiparating na sa akin ang tungkol sa bagay na iyan kaya may mga dokumento na akong hawak,” diin ni Lacson.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.