KUNG akala ni Vice President Jojo Binay na makakalimutan ng taumbayan ang insidente sa Dasmarinas Village na kinasangkutan ng kanyang dalawang anak, nagkakamali siya.
Hanggang ngayon ay mainit pa rin na isyu ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng magkapatid na Mayor Junjun at Senator Nancy.
Mahirap nang hilutin ni Vice President Binay ang taumbayan sa kanyang ginawang pagtatanggol sa inasal ng kanyang anak na si Mayor Junjun.
Sa INQUIRER online “hot reads”, ang sumusunod ay line-up ng 10 headlines ng pahayagang INQUIRER from Dec. 8 to Jan. 6 in their order of importance:
1. 3 Dasma guards who stopped Binay convoy held, freed.
2. Winnie Monsod: Guards were correct, Binay was wrong.
3. Dasmarinas defends guards.
4. VP Jojo Binay’s ‘death warrant.”
5. The Binays of Makati.
6. VP Binay: My son deserves courtesy
7. Romualdez: Rescue efforts too slow
8. Zamboanga mayor, 3 others shot dead at NAIA 3
9. Mayor Binay deserved some courtesy, says Vice President
10. 18 killed after bus falls from Skyway—police
Take note, dear readers, na ang mga istorya mula No. 1 hanggang 6 at No. 9 ay puro tungkol sa Dasmarinas Village incident.
Magpapatuloy ang uusigin ang mga Binay—sina Vice President Jojo, Mayor Junjun, Senator Nancy at Congresswoman Abigail—ng nangyaring insidente sa matagal na panahon.
Nadamay si Congresswoman Abigail dahil nanggaling sina Mayor Junjun at Senator Nancy sa kanhyang bahay sa loob ng Dasmarinas Village.
By the way, tinatanong ng aking kapwa kolumnista sa INQUIRER na si Winnie Monsod at maging ang inyong lingkod kung saan nakakuha si Congresswoman Abigail ng perang pambili ng bahay sa loob ng marangyang village.
Alam n’yo, ang pinakamababang halaga ng bahay sa nasabing village ay P200 million.
Sa kanyang sahod bilang congresswoman at sahod ng kanyang ama na si Vice President Jojo, hindi sila makakabili ng bahay sa Dasmarinas Village.
Unless, of course, nagnakaw sila sa taumbayan.
Para sa mga hindi nakabasa o nakapakinig ng balita tungkol sa insidente, ito ang maikling summary:
Sina Mayor Jojo at Senator Nancy ay nasa four-vehicle convoy nang sila’y napatigil sa Banyan gate ng village na sinara na.
Hindi na kasi nagpapalabas o nagpapapasok sa gate simula ng alas 10 ng gabi.
Ang convoy ng mga Binay ay lalabas sana sa gate malapit nang mag-alas 12.
Hindi itinaas ng mga security guards ang harang.
Bumaba ang magkapatid na Binay sa kanilang sasakyan at kinompronta ang mga pobreng sekyu.
“Kilala ba ninyo ako?” sabi ng mayor sa mga guwardiya.
Isa sa mga bodyguards ay nakita sa CCTV (closed circuit television) video na nagkasa ng kanyang baril sa harap ng mga guwardiya.
May isa pang bodyguard na naglabas na mahabang baril.
Kitang-kita sa video ang pagdating ng police patrol car at inalis ang harang sa gate.
Ayon sa report sa insidente, “inimbitahan” ang mga guwardiya sa Makati police station at doon ay kinulong sila ng apat na oras.
Isang araw matapos nilathala ng INQUIRER ang insidente, nagbigay si Vice President ng pahayag na dapat ay bigyan naman daw ng kortesiya (courtesy) ang kanyang anak dahil siya’y mayor.
Ibig sabihin, kinonsenti niya ang masamang asal ng kanyang anak.
Dahil sa pagtatanggol niya sa kanyang anak na abusado, malabo nang manalo si Jojo Binay sa 2016 presidential election.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.