Ni Liza Soriano
MATIBAY ang mga ebidensyang magpapatunay na sangkot ang magkapatid na Ramon Joseph o RJ at Ramona Belen Bautista sa pagpatay sa kapatid nilang si Ramgen “Ram” Revilla, ayon sa pulisya.
Sinabi nina Parañaque police chief Senior Supt. Billy Beltran, Task Force Ramgen head Chief Insp. Enrique Sy at Intelligence Unit head Chief Insp. Fergen Torred na nakumpleto na nila ang mga pahayag ng mga testigong magdidiin sa magkapatid bilang mastermind sa pagpatay.
Sa ginanap na case conference kahapon, ipinunto ni Torred na hindi nagtutugma ang testimonya ni Ramona sa isiniwalat ng kanilang pangunahing testigo na si Janelle Manahan, ang girlfriend ng nasawi.
Nasa stable nang kondis-yon sa Asian Hospital si Ma-nahan na nagtamo ng tama ng bala sa mukha.
Matatandaan na sa kuwento ni Ramona ay isinama siya ng mga suspek makaraang mabaril ang kanyang kapatid at iniwan sa isang mall sa Las Piñas sa isang mall.
Subalit idinitalye ni Manahan na bago ang insidente ay kumatok si Ramona sa kuwarto nila ni Ram upang humiram umano ng video camera subalit sinabi niyang naliligo ang kasintahan.
Hindi pa nagtatagal ay bigla namang pumasok ang nakamaskarang suspek at binaril si Manahan ng dalawang beses.
Nang marinig ang mga putok ay lumabas ng toilet si Ram at sinigawan ang gunman.
Dagdag ni Manahan, pinaputukan ng suspek si Ram bago nagsisigaw si Ramona ng “Tama na, tama na.”
Binutas din ang testimonya ni Ramona ng isa pang saksi, ang personal assistant ni Ram, na nagsabing nakita niyang naglalakad patungo sa gate ng subdivision sina Ramona at RJ matapos ang insidente.
Maliban kina Manahan at sa personal assistant ni Ram, idiniin din ng mga suspek na sina Michael Jay Altea at Roy Francis Tolisoro si RJ na umano’y umupa sa kanila u-pang itumba ang biktima.
Maliban sa testimonya ng mga saksi, isa-isang minarkahan ng pulisya ang mga ebidensyang gagamitin sa |
korte, kabilang ang mga bala na nasamsam sa crime scene.
Idinagdag ni Beltran na dumaan sa tamang proseso ang isinagawa nilang imbestigasyon at handa silang idepensa ito sa hukumankung sakaling kuwestiyunin ng mga abogado ng mga akusado.
Kahapon ay naghain ng mosyon si Atty. Dennis Mansanal, abogado ng pa-milya Revilla, na humihiling na palayain si RJ dahililigal umano ang ginawang pagdakip dito ng pulisya lalo na’t wala naman umano silang hawak na warrant of arrest.
Sinalag naman ito ni Sy na sinabing legal ang pag-aresto kay RJ dahil ito ay bahagi ng “hot pursuit operations.”
Hinamon din ni Beltran ang pamilya Revilla na maglabas ng kanilang mga ebidensya na magpapatunay na hindi wasto ang ginawa nilang pagsisiyasat at mga impormasyon na magtuturo sa inaakala nilang mga tunay na salarin.
Di makikialam
Samantala, sinabi kahapon ng Malacañang na hihintayin na lamang nito ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya bago makialam sa kaso.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ayaw munang sumawsaw ng Palasyo sa imbestigasyon.
“We expect the PNP to be on top of the situation. Mayroon silang mga initial investigations, mayroon silang mga initial reports.
Let’s wait for it to progress. At this point, we do not want to intervene… hayaan muna nating gawin nila ‘yung kanilang trabaho at maipagtatanggol naman nila ‘yung kanilang mga finding,” sabi ni Valte.
Nauna nang nanawagan si Sen. Ramon “Bong” Revilla sa PNP na muling magsagawa ng imbestigasyon.
Tumanggi rin itong magkomento kung nasisiyahan ang Palasyo sa trabaho ng PNP. “We will have to discuss that. We have not had a discussion on that yet,” aniya. —Bella Cariaso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.