MULING nagliyab ang usapin sa posibleng pagkikita sa ring nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ito ay matapos na ihayag sa YouTube boxing channel 78Sports na plantsado na raw ang pinakamalaking boxing match ng henerasyong ito.
Tinuran pa ng commentator na sa Setyembre nakakasa ang mega fight at ang pang-aasar ni Mayweather kay Pacquiao sa mga social media networks ay isa sa mga paraan para magkaroon ng interes ang publiko sa naturang sagupaan.
Gayunman, wala pa ring pormal na kumpirmasyon mula sa magkabilang kampo patungkol sa naturang blockbuster fight.
Ilang taon na ring pinag-uusapan at pinagdedebatehan sa mundo ng boxing ang Pacquiao-Mayweather ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin ito matuluy-tuloy dahil sa sari-saring dahilan.
Si Pacquiao ay hawak ng Top Rank na pinamumunuan ni Bob Arum at makailang-ulit na ring sinabi ng kampo ni Mayweather na wala silang balak na makipagnegosasyon hanggang hindi nagpapalit ng promoter ang Pambansang Kamao.
Si Mayweather ay nakatakdang lumaban muli sa darating na Mayo at si Pacquiao naman ay sa Abril pero pareho silang wala pang kalaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.