SA sunud-sunod na karahasan sa Metro Manila, hindi masisi ng gobyerno na magtanong ang mga ordinaryong mamamayan kung may breakdown ba ng peace and order sa bansa, partikular sa kalakhang Maynila.
Hindi ba’t wala pang isang linggo nang mangyari ang insidente ng panloloob sa SM North Edsa ng mga pinaghihinalaang Martilyo Gang, heto at may kasunod na naman ang brutal na pag-atake ng mga killer sa NAIA Terminal 3 na ikinamatay ni Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ocol Talumpa at misis nitong si Lea, at dalawang iba pa.
Hindi inakala ng mamamayan na mangyayari ito sa airport sa pag-aakalang mahigpit ang seguridad dito. Hindi naman pala totoo.
Bukod sa mag-asawa, patay din ang kanilang pamangkin na si Saripudon Talumpa at ang isang-taon bata na si Gil Thomas Lirazan, na pawang mga kabababa pa lang ng eroplano.
Kahit sino ay tiyak na nararamdaman ngayon ang hinagpis ng mga magulang ng pumanaw na paslit dahil sa pagkakadamay sa kanila sa insidente.
Ang hindi katanggap-tanggap dito, nangyari ang insidente sa isang vital installation ng bansa kung saan inaasahan na nagpapatupad ng napakatinding seguridad. Nakasuot pa ng uniporme ng pulis ang salarin.
Nabaril naman noong Huwebes ng gabi ang asawa ng kilalang abogado na si Atty. Raymond Fortun na si Caroline. Hindi talaga nagpapasindak ngayon ang mga salarin.
Lantaran na ang kanilang pag-atake at wala nang pakialam kung may araw o gabi nila ito gawin at kung may madadamay o wala. Ganoon sila katatapang ngayon, o sadyang palpak lang ang pulisya natin dahil hindi na sila “kinatatakutan”.
Nakakabuwiset pa nito, pinapatay ng pulisya ang ganitong mga insidente. Kapag tinanong mo ang mga ganitong insidente sa kanila, isa lang ang kanilang sagot: “Isolated case lang yan”.
Ganyan ang mga pulis natin. Palpak, period. Matatanggap ba ninyo ang ganyang katwiran ng inyong pulisya? O baka naman repleksyon lang yan ng mahinang liderato ng Interior and Local Government na nakakasakop sa PNP?
DA who itong senador na ito na walang ginawa kundi mag-email ng mga press releases kahit na sa ibang miyembro ng media na hindi naman nagkokober ng Senado.
Inis na inis tuloy ang mga mamamahayag sa senador na ito dahil pati sa Malacañang ay nakakarating ang kanyang mga press releases.
Kaalyado ang senador na ito ng administrasyon kayat kahit na may picture pa ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam ay dedma lamang sa Malacañang.
Sino ang senador na ito? Mamili na lang kayo sa ilang mga senador na may litrato kasama ni Janet Lim-Napoles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.