NAGWAGI ang Filipino-American na si Eric Shawn Cray sa men’s 400-meter hurdles upang ibigay sa Pilipinas ang ika-13 gintong medalya nito sa 27th Southeast Asian Games kahapon sa Nay Phi Taw, Myanmar.
Bagaman kinapos sa tangkang mawasak ang SEA Games record ay nakapagtala si Cray, na ipinanganak sa Olongapo, ng tiyempong 51.29 segundong para manalo.
Ang pilak ay kinuha ni Andrian Andrian ng Indonesia sa 51.74 segundo at ang tanso ay napunta kay Dao Xuan Cuong ng Vietnam na tumapos na may tiyempong 51.79 segundo.
Sa heats pa lamang ay ipinakita ni Cray ang kahandaan na dominahin ang labanan sa isinumiteng pinakamabilis na 52.81 tiyempo.
Si Junrey Bano ay pumasok din sa finals pero tumapos lamang siya sa pang-anim na puwesto sa pitong naglaban sa tiyempong 53.85.
Ito na ang ikatlong gintong medalya ng bansa sa athletics at namumuro na maabot ang limang ginto na target sa kompetisyon.
Sa athletics din, nanalo ng silver medal si Mervin Guarte sa 800m.
Naorasan siya ng 1:51.51 pero kinapos sa 1:50.98 tiyempo ng gold medal winner na si Mohd Jironi Riduan ng Malaysia.
Kinapos naman ang mga rowers na sina Roque Abala at Alvin Amposta sa lightweight coxless pairs nang makontento sa pangalawang puwesto sa tiyempong pitong minuto at 9.53 segundo.
Bagamat may nakuhang dalawang ginto kahapon ay hindi naman gumalaw ang puwesto ng Pilipinas na nananatili sa ika-pitong puwesto mula sa nakolektang 14 ginto, 19 pilak at 24 bronze.
Siyam na ginto ang layo ng Singapore na nasa ikaanim na puwesto. Ang Thailand ang kasalukuyang nangunguna sa medal tally na 62-51-52 at sinundan ito ng Vietnam (46-38-47), Indonesia (42-55-55), host Myanmar (42-39-44) at Malaysia (26-24-46).
Hindi naman malayong umangat ang Pilipinas ngayon lalo pa’t umabante sa quarterfinals sina Dennis Orcullo at Carlo Biado sa men’s 10-ball billiards.
Tinalo ni Orcullo si Ahmad Thufiq, 9-5, habang nanaig si Biado kay Riyan Setiawan ng Indonesia, 9-6, kahapon.
Sunod na haharapin ni Orcullo si Nitiwat Kanjanasri na tumalo sa kanya sa quarterfinals sa men’s 9-ball habang si Keng Kwang ng Singapore ang makakasagupa ni Biado.
Sasalang din ngayon sina Rubilen Amit at Iris Ranola sa women’s 10-ball. Sasalang rin ngayon ang mga pambato ng bansa sa judo at taekwondo kung saan umaasa rin ng ginto ang Pilipinas.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.