SUMANDAL ang Pilipinas sa pagsagwan ng beteranong si Nestor Cordova para pigilan ang sana’y kawalan ng gintong medalya sa 27th Southeast Asian Games kahapon sa Naypyitaw, Myanmar.
Hindi binitiwan ng 36-anyos na si Cordova ang momentum na taglay para kunin ang ginto sa men’s single sculls na pinaglabanan sa Ngalite Dam.
Kinuha ng 2007 gold medal winner na si Cordova ang 2000-meter karera sa loob ng pitong minuto at 49.38 segundo para sa kauna-unahang ginto ng rowing team.
“Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas. Basta ang alam ko lang sinasabi ng isip ko na ibigay ang lahat,” wika ni Cordova.
Kinuha ng women’s basketball team ang pangalawang pinakamagandang puwesto matapos makawala ang gintong medalya nang talunin ang host Myanmar, 80-31.
Sina Camille Sambile at Cassy Tioseco ay mayroong 22 at 13 puntos mula sa bench at ang tropa ni coach Haydee Ong ay nalagay sa pangalawang puwesto bitbit ang 3-1 baraha.
Wala namang kinang ang nasilayan sa mga manlalaro ng athletics at cycling na nakapaghatid ng ginto noong Linggo.
Si Eric Panique pa lamang ang nakapaghatid ng medalya sa track team na sa unang araw ay humataw bitbit ang dalawang ginto at tig-isang pilak at tansong medalya.
Nalagay lamang si Panique, silver medalist ng 2011 SEAG, sa ikatlong puwesto sa men’s marathon matapos ang 2:30:30 oras sa 42.195-kilometrong karera.
Si Ying Ren Mok ng Singapore ang nanalo ng ginto (2:28:36) at si Thaung Aye ng Myanmar (2:29:50) ang kumuha ng pilak.
Ang mga pambato sa 100km Team Time Trial sa cycling na binuo nina Arnold Marcelo, John Renee Mier, Alfie Catalan at Jan Paul Morals ay tumapos lamang sa ikaanim na puwesto.
Ang mga archers na sina Earl Benjamin Yap at Delfin Adriano ay naglaban lamang sa tanso sa compound individual at si Yap ang siyang nakakuha ng medalya sa shoot-off.
Sa medal standings, ang Pilipinas ay mayroong 12 ginto, 17 pilak at 23 tanso para manatili sa ikapitong puwesto at napag-iiwanan ng anim na ginto ng Singapore sa 18 ginto, 16 pilak at 25 tanso para sa ikaanim na puwesto.
Ang Thailand ay lumayo na sa unang puwesto sa 57-44-46 habang ang Vietnam ang nasa ikalawa na sa 41-36-41 bago pumasok ang host Myanmar sa 39-37-40.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.