ANG patuloy na dominasyon ng Sinag men’s basketball team at ang pagkapanalo ng limang boksingero sa semifinals ang nagbigay kulay sa di magandang kampanya ng Pilipinas sa 27th Southeast Asian Games kahapon sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Gumawa ng 23 puntos si Kevin Ferrer at ang koponang hawak ni coach Jong Uichico ay tumapos na may 37-of-70 (53%) para pagningasin ang 100-68 demolisyon kontra Thailand.
Ang 6-foot-4 shooting guard na si Ferrer ay gumawa ng 11 puntos sa unang yugto upang itulak ang Pilipinas sa 29-17 bentahe at mula rito ay nagtuluy-tuloy na para kunin ang ikaapat na sunod na panalo sa pitong bansang torneo.
Ang huling dalawang laro ng Sinag ay laban sa Indonesia ngayon at ang Malaysia bukas at bagamat may kapasidad ang dalawang bansa na makapagtala ng upset win laban sa Pilipinas ay pinapaboran pa rin ang Sinag na magwagi ng ginto.
Ang PH men’s boxing team ay nagpasikat din nang magwagi sina London Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez, Junel Cantancio, Dennis Galvan at Wilfredo Lopez upang samahan sa Finals ang mga female boxers na sina Nesthy Petecio at Josie Gabuco.
Nanalo si Barriga kay Mohd Faud Mohd Reuvan ng Malaysia sa splilt decision sa light flyweight, si Fernandez ay nagwagi kay Tran Quocc Viet ng Vietnam sa bantamweight; si Cantancio na pamalit kay 2011 SEAG gold medalist Charly Suarez sa lightweight ay nanalo kay Muhamad Ridhawan Ahmad ng Singapore; si Galvan ay nangibabaw kay Ericok Amonupunyo ng Indonesia sa light welter at si Lopez ay sinibak si Alex Tatantos ng Indonesia sa welterweight.
Si 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar lamang ang nadisgrasya nang lasapin ang kontrobersyal na pagkatalo sa isang Myanmar pug.
Ang Thailand ay nagpasok ng siyam na boxers sa finals at apat dito ay laban sa mga pambato ng bansa. Ang mga panalong ito ang tumabon sa kabiguan ng wrestling team na nabigong makakopo ng ginto sa Mynmar.
Si Jason Balabal, na gold medalist sa 2011 Indonesia Games at tumayong flag bearer ng pambansang delegasyon sa opening ceremony, ay nakontento sa tansong medalya sa 84-kilogram freestyle event.
Hindi naman nasundan ni Hermie Macaranas ang tanso na nakuha sa 1000m race, matapos malagay lamang sa ikalimang puwesto sa 200-meter single sculls sa canoeing event.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.