PATAY a at may indikasyon pa ng panghahalay nang matagpuan ang isang babaeng estudyante ng University of the Philippines sa Los Banos, Laguna. Nakilala ang biktima bilang si Given Grace Cebanico, 19, BS Computer Science student ng UP Los Banos at taga-Binangonan, Rizal, ayon kay Supt. Dante Novicio, hepe ng lokal na pulisya. “Nawala siya (Cebanico) 2 a.m. Tuesday, after nila mag-group study ng mga kaklase niya sa isang dormitory. Habang naglalakad siya pauwi sa dorm niya malapit lang sa school, mayroong humila sa kanya na isang lalaki at sapilitan siyang sinakay sa isang tricycle,” sabi sa BANDERA ni Novicio nang kapanayamin sa telepono. Natagpuan ng isang Ronal Soliman ang bangkay ng dalaga habang siya’y nananabi sa isang madamong bahagi ng IPB Road na sakop ng Brgy. Tuntungin Putho, dakong alas-7 ng umaga ring iyon. Kinakitaan si Cebanico ng mga sugat sa likod, at isang tila tama ng bala sa leeg, habang ang kanyang bibig ay may busal ng panyo at masking tape, at ang mga kamay ay nakagapos. “Nakakuha kami ng screw driver sa tabi niya (Cebanico) so maaring yun ang ginamit, pero nakatanggap kami ng unconfirmed pang report na parang may bala din na nakabaon pa sa katawan,” ani Novicio. May hinala naman ang mga imbestigador na hinalay o tinangkang halayin ng mga suspek ang biktima. “Mayroong indikasyon na ni-rape pero wala pang report ang crime lab, meron siyang (Cebanico) mga pasa sa hita, naka-shorts pero walang underwear sa loob, at saka yung bra lagot yung strap,” ani Novicio. Habang isinusulat ang balitang ito’y patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para madakip ang mga salarin, kaya tumanggi muna si Novicio na magsalita kung may nahuli nang suspek. “Dalawa ang nakikita nating suspek so far dito, ‘yung driver ng tricycle at yung humila sa kanya,” ani Novicio. – John Roson
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.