Tulfo hinamon si Cayetano na magpakita sa Senado: Kung hindi, duwag ka
HINAMON ni Sen. Raffy Tulfo si Senate President Alan Peter Cayetano na magpakita sa sesyon ng Senado bukas, June 3.
Kung talagang matapang daw ang senador ay dapat siyang dumalo sa susunod na nakatakdang plenary session ng Senado.
Sa naganap na presscon ng mga miyembro ng minority bloc sa Senado ngayong araw, June 2, sinabi ni Tulfo na duwag daw si Cayetano kung hindi ito magpapakita sa sesyon ng mataas na kapulungan.
“Hinahamon ko si Alan Peter Cayetano. Kung matapang ka, pumunta ka rito bukas otherwise duwag ka,” aniya pa.
Samantala, nakiusap naman si Sen. Bam Aquino, na sana’y pumasok ang mga miyembro ng majority bloc sa next session ng Senado.
“Hinihiling po namin sa mga kasama namin na nagmamahal pa po sa Senado, na nais magtrabaho para sa taumbayan, pumasok po bukas,” saad ni Sen. Bam.
Aniya, mas magandang mapag-usapan sa sesyon ang lahat ng usapin na kailangang linawin ng mga senador para sa sambayanang Pilipino.
View this post on Instagram
“Magkita-kita tayo rito. Puwedeng pagdebatehan ang kahit na anong bagay, puwede pong pag-usapan ang kahit na anong bagay, dito po kami magdiskusyunan dahil nandito po tayo para magtrabaho,” sabi ng senador.
Dalawang beses nang hindi um-attend ang mga miyembro ng Senate majority bloc sa sesyon ng Senado, noong Lunes, June 1, matapos sumuko sa otoridad si Sen. Jinggoy Estrada.
Ito’y may kaugnayan sa arrest warrant na ibinaba ng 5th Division ng Sandiganbayan kahapon, June 1, para sa non-bailable plunder case ni Estrada na may kinalaman sa kontrobersyal at maanomalyang flood control projects.
Matatandaang bago siya sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nagpa-presscon pa si Estrada at sinabing inalok umano siya ng minority bloc na umanib na sa kanila.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa aking kaso.
“Ngunit, hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko, na ako’y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” sabi ni Estrada.
“I stand my ground, ngayon kung tatanungin n’yo kung sino sila, abangan ninyo ang susunod na kabanata,” dagdag ng aktor at politiko.
Nakakulong ngayon si Estrada sa New Quezon City Jail Male sa Payatas, Quezon City, kung saan din nakapiit si former Sen. Bong Revilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
