DISMAYADO ang pamilya Marcos sa naging desisyon ni Pangulong Aquino na huwag payagang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating pangulong Ferdinand Marcos.
Hindi naitago ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang galit at pagiging emotional sa umano’y pamumulitika ni Aquino hanggang sa usapin ng paglibing sa kanyang ama.
“This is not the act of a leader, is not the act of a head of state, is not the act of somebody who is trying to bring the country together but it is somebody who is continuing to promote a divisiveness of partisan politics,” ayon kay Marcos.
Sinabi rin nito na isa lamang ‘zarzuela’ ang ginawang pagtatalaga ni Aquino kay Vice President Jejomar Binay na siyang magbibigay ng rekomendasyon kung nararapat bang bigyan ng state honors ang dating pangulo.
Bagamat hindi payag si Binay na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, pumabor naman ito na bigyan ang dating pangulo ng full military honors sa Ilocos Norte.
Ang pagbibigay ng full military honors kay Marcos kaalinsabay sa pagpapalibing nito sa Ilocos Norte ay isang bagay na sinasangyunan ng pamilya Marcos. – Liza Soriano
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.