‘Rebolusyon’ vs Meralco
PINAYAGAN ng Energy Regulatory Commission na ipatupad ng Manila Electric Company sa tatlong installment ang all-time high power rate increase na P4.15 kada kilowatt hour sa mga franchise areas nito.
Duda naman ang marami sa hakbang na ito dahil sa interes na ipapatong ng Meralco sa mga consumer bilang kapalit sa pagpayag na gawing tatlong hati ang power hike.
Dahil dito, matindi ang ginawang pagbatikos ng maraming militanteng grupo at maging mga ordinar-yong mamamayan na kostumer ng Meralco.
Sa desisyon ng ERC, hahatiin sa tatlo ang pagpapatupad ng P4.15 per kilowatt-hour increase. Ngayong Disyembre, ipapataw ang P2.41/kWh habang sa Pebrero naman ay P1/kWh at P0.44/kWh sa Marso.
‘Rebolusyon’ na!
Kung nagsama-sama ang maraming Filipino upang maibasura ang pork barrel fund ng mga mambabatas, mauulit kaya ito muli para naman ipahayag ang pagtutol sa napipintong big time power rate hike?
Kabi-kabila ang pagbatikos na inaabot ng napipintong P4.15 kada kilowatt hour na pagtaas sa presyo ng kuryente na binansagan na ring penitensya ng mga Filipino ngayong Pasko.
Iniumang na rin sa Kamara de Representantes ang imbestigasyon sa power rate hike. Gaya ng isyu ng pork barrel fund system, iba’t iba ang naging reaksyon ng publiko sa dagdag singil sa kuryente.
Gayunman, mayorya sa kanila ay hindi payag sa power rate hike na ito. Ayon sa twitter account na @Vcj21, “kailangan ay itaas din ang sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Tanong niya: “..pano na kaming simpleng empleyado lang?” Hindi rin nalalayo ang komento rito ni @143heartangel : “Hinding hindi kaya! Kung mataas sweldo ng mga ordinaryong pinoy baka pwede pa. Ni piso nga di madagdagan.”
At kahit na ang mga itinuturing ng bansa na bagong bayani—ang mga Overseas Filipino Workers, ay dismayado rin sa pagtataas.Katulad ni @topeRski na nagsabing: “mabigat yan lalo na sa mga tulad naming ofw na kakarampot lang ang kinikita.”
Ayon naman kay Jaeanne Abana Villa sa kanyang Facebook account: ” Hindi nmn mktwiran un bkit lge nlng s consumer nla cnicngil lhat.
.lki n nga ng cngil nla kung anu anu p mga hidden charges bkit hnd ang gobyerno ang mgbyad ng mga ippgwang ncra ng bgyo tutal dmi nmn nkuhang donasyon taz ung mga tax anu lge nlng b s bulsa nla mpupunta..kwawa nmn ang mga mmmyan ng pinas sobrang nghihirap n nga lalo png pnphirapan.”
Ang tingin naman ni Gabriela Rep. Luz Ilagan (@RepLuzIlagan) walang konsensya ang Manila Electric Company, Energy Regulatory Commission at maging si Pangulong Aquino.
“….Pero nakakadismaya na para sa Meralco, ERC ni Aquino kaya ito ng kanilang konsensya.” Kung si Akbayan Rep. Walden Bello naman ang tatanungin, maituturing na human rights violation sa ordinaryong Pinoy ang P4.15/kWh na pagtataas.
“This rate hike is simply callous and insensitive, in both its proportions and its impact to the lives of ordinary Filipino families,” ani Bello.
Samantala, sumugod naman ang mga militanteng grupo sa mga tanggapan ng Meralco at ERC para iprotesta ang power rate hike. Hinikayat din ng mga ito ang publiko na makiisa sa protesta.
Malampaya fund gamitin na
Ipinag-utos ni Pangulong Aquino na pag-aralan kung maaaring magamit ang Malampaya Funds para maibsan ang epekto ng nakaambang malakihang power rate hike.
Anya, aasahan niyang matanggap ang rekomendasyon nina Energy Secretary Jericho Carlos Petilla, Finance Secretary Cesar Purisima, Justice Secretary Leila de Lima, Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. at Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, bago siya umalis patungong Japan.
Bukas naman ang ilang kongresista sa panukalang gamitin ang Malampaya fund para maibsan ang epekto ng big time price hike ng Meralco.
Ayon kay House committee on energy chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali maaaring ikonsidera ang panukala bagamat noon ay tinututulan ang pagbibigay ng gobyerno ng subsidiya sa kuryente.
Una nang nagsalita ang Kamara na paiimbestigahan nito ang all time hike na ipatutupad ng Meralco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.