Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Petron Blaze vs. Barako Bull
8 p.m. Air21 vs. Alaska
MASUSUBUKAN nang husto ang tatag ni June Mar Fajardo dahil siguradong pagtutulungan siya ng mga beteranong sina Mick Pennisi at Dorian Peña sa salpukan ng Petron Blaze at Barako Bull ngayon sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Sa ikalawang laro ay sisikapin ng Alaska Milk na makabangon sa magkasunod na kabiguan sa pagharap nito sa Air21.
Hindi iniinda ng Perron ang injuries sa ilang key players at nakapagposte na ng tatlong sunod na panalo kontra GlobalPort (97-87), Talk ‘N Text (77-63) at SanMig Coffee (91-78).
Ang 6-foot-8 na si Fajardo ay nagpamalas ng katatagan sa shaded area at nakatulong ng reigning Most Valuable Player na si Arwind Santos sa pagpuno sa pagkawala nina Alex Cabagnot, Chris Ross at Yousef Taha bunga ng injuries.
Malaki din ang kontribusyon nina Marcio Lassiter at Chris Lutz sa ratsada ng Boosters. Sinimulan ng Barako Bull ang kampanya sa torneo sa pamamagitan ng back-to-back na panalo kontra Air21 (88-75) at Alaska Milk (97-93).
Subalit napigil ang arangkada ng Energy nang sila’y talunin ng Rain or Shine, 91-83. noong Linggo. Siguradong pahihirapan nang husto nina Pennisi at Pena si Fajardo upang hindi makapamayagpag nang husto.
Ang opensa ng Barako Bull ay manggagaling kina Ronjay Buenafe, JC Intal, Mark Macapagal at two-time MVP Willie Miller.
Ang Alaska Milk ay galing sa back-to-back na pagkatalo at may 1-3 record.
Matapos na matalo sa Barako Bull, ang Aces ay pinayuko ng Talk ‘N Text sa overtime, 114-111. Si coach Luigi Trillo ay sumasandig kina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros.
Ang Air21 ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng panalo sa torneyo. Noong Linggo ay nalasap ng Express ang ikaapat na sunod na kabiguan nang sila’y payukuin ng SanMig Coffee sa double overtime, 92-83.
Maaasahan din ng Express ang beteranong si si Mark Cardona na gumawa ang 13 puntos laban sa Mixers. Makaka-tuwang ni Cardona sina Paul Asi Taulava, Nino Canaleta at Joseph Yeo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.