Tulong sa magbababoy, magmamanok, iba pa mas pinalakas

PINASALAMATAN ni AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones si Pangulong Bongbong Marcos matapos lagdaan ang Republic Act No. 12308 o ang Animal Industry Development and Competitiveness Act nitong nagdaang September 25.
Lubos ang kaligayahan ni Cong. Briones nang sa wakas ay naging batas na ang Republic Act No. 12308, kung saan isa siya sa pangunahing may-akda at sponsor.
Matatandaang isinumite ng AGAP Partylist ang nasabing batas noon pang 2022.
Ayon kay Briones, magkakaroon na ng karagdagang tulong para sa livestock at poultry industries sa pamamagitan ng Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF) na nagkakahalaga ng minimum na P20 billion at maaaring umabot ng P30 billion kada taon at epektibo ito sa loob ng 10 taon.
Baka Bet Mo: Bongbong Marcos pumutok sa galit sa lumulubong ‘kickbacks’
Aniya, magmumula ang pondo sa mga nakolektang taripa mula sa imported na karneng baboy, manok, at baka at mga dairy products.
Gagamitin ito para sa mga programa para sa livestock, poultry, at dairy industries tulad ng Repopulation at herd build-up; Animal health and welfare, disease control, prevention and response, kasama na ang animal vaccine development at stockpiling; Capacity Recovery Fund para sa cash assistance sa mga naapektuhan ng animal disease outbreaks tulad ng ASF at bird flu; Building o improving processing facilities tulad ng slaughterhouses, poultry dressing plants, meat processing at storage; Development at propagation ng animal and poultry feeds, forage at fodder; at credit facilities para sa animal industry sector.
Sa RA 12308 o Animal Industry Development and Competitiveness Act, ang Bureau of Animal Industry na ang natatanging regulatory agency para sa mga veterinary drugs, products at biologics, kasama ang vaccines.
Nagpapalakas ang landmark ng batas na ito sa industriya ng mga baboy, baka at manok sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malakas na suporta para sa mga magsasaka at maliliit na may-ari; pagtitiyak ng pinabuting kaligtasan sa pagkain at biosecurity; pagtutulak ng pagbabago at pandaigdigang pagiging mapagkumpitensya sa pamamagitan ng modernisasyon; at pagtatatag ng P20B AnCEF.
Sa nasabing batas, magsisimula na ang isang bagong panahon para sa mas malakas, moderno, at umuunlad na industriya ng paghahayupan.
Sinabi pa ni Briones na isa itong panibagong pag-asa para sa sektor ng mga magsasaka.
“Salamat sa lahat ng tumulong na mambabatas sa pangunguna nina Speaker Martin Romualdez, Agri Chair Senator Cynthia Villar at Cong. Mark Enverga, Secretary Kiko Laurel at mga nasa sektor ng livestock, poultry, dairy at allied industry,” pahayag pa ng kongresista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
