Pacman pahihirapan ni P-Noy sa BIR tax evasion case
HALA, dahil sa timing at paniniwala ng ilan nating kababayan na sinadya ng BIR ang pagpapa-freeze ng bank accounts ni Manny Pacquiao, mukhang mahihirapan ang administrasyon ni Pangulong Noynoy na mapaniwala ang sambayanan na hindi yun orchestrated.
Kahit pa nga ipaliwanag ni BIR Commissioner Kim Henares na two years ago pa sila nagbigay ng ultimatum sa kampo ni Pacman sa pagbabayad ng buwis, mas marami pa rin ang naniniwala na ito’y bahagi pa rin ng “paghihiganti” ng kampo ni PNoy sa mga hindi nila kaalyado sa politika.
Kumbinsido naman kaming nasa legal na landas ang kautusan ng BIR, pero yun nga lang, sobrang nakakaloka ang timing lalo pa’t kapapanalo pa lang ni Pacman sa laban nila ni Brandon Rios na muling naglagay sa kanya sa world news. Huwag na nating isama ang kakaibang inspirasyon na naidulot ni Pacquiao sa mga kababayan natin lalo na sa mga kapwa niya Bisaya o sa mga taga-Mindanao na nasalanta ng mga trahedya.
Hindi naman umiiwas si Pacman o nagbabalak na magtago dahil ipinagmamalaki nga niyang kahit magkandautang-utang siya ay kanyang gagawin para lang matupad ang pangako nitong tumulong sa mga sinalanta ni Yolanda.
But still, mukhang hawak nga ng BIR at gobyernong Aquino ang alas para palabasing si Pacman ang may pagkukulang kaya nangyari ang pagpapa-freeze sa kanyang bank accounts.
Ang tanong nga lang, talaga bang ganitong klaseng sistema ang ipinagmamalaki ng ating gobyerno? Huwag na nating isa-isahin pa ang mga tiwaling kaalyado ni Noynoy na kung tutuusin ay mas malala pa ang ginagawa kesa kay Pacquiao. At least si Pacman, matapang na inaamin ang kanyang pagkukulang, hindi tulad ng iba na buking na pero maang-maangan pa rin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.