Nakabalik na si Pacquiao! Sino susunod?
TULAD ng isang matinding bagyo, malupit na hagupit ang ipinaramdam ni Manny Pacquiao kay Brandon Rios sa kanilang World Boxing Organization(WBO) International title fight sa Macau, China kahapon.
Sa loob ng 12 rounds, ginulpi ni Pacquiao ang Mexican-American na katunggali sa laban at maghudyat ng kanyang pagbabalik sa pagtala ng lopsided unanimous decision sa main event ng “The Clash in Cotai” sa The Venetian Macao.
At matapos ipakita ang kanyang bangis sa loob ng ring, sinabi ni Pacquiao na ang panalo ay hindi isang personal na misyon bagkus ito ay inaalay niya sa mga kababayang sinalanta ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 8.
“It (victory) isn’t about my comeback. It symbolizes my people’s comeback,” sabi ng napapaluhang si Pacquiao, na bibisita sa Tacloban City matapos magbalik sa bansa ngayon.
Si Pacquiao, ang pinakamayamang kongresista ng bansa at kumita ng $18 milyon sa kanyang welterweight bout, ay siguradong magbibigay ng malaking donasyon subalit hindi na umano mahalaga kung gaano ito kalaki.
Bagamat hindi nakapagtala ng knockout, ang panalo ni Pacquiao kay Rios ay nakapagbigay naman ng ngiti sa mukha ng libu-libong Pinoy na naging biktima ni Yolanda.
Bugbog-sarado ang inabot ni Rios kay Pacquiao at muntik pa niyang patumbahin ito sa ikaanim na round sa pamamagitan ng three-punch combination tungo sa 120-108, 119-109 at 118-110 desisyon mula sa mga judges na sina Michael Pernick, Lisa Giampa at Manfred Kuchler, ayon sa pagkakasunod.
Wala namang duda ang kinalabasan ng laban at ipinakita pa ni Pacquiao ang kanyang awa kay Rios matapos tapikin ang gloves nito sa kalagitnaan ng 12th round para ipakita sa Mexican-American boxer na hahayaan niya itong tapusin ang laban na nakatayo pa rin.
Umabot naman ang mga manonood sa Cotai Arena sa 13,101, na ang karamihan ay mga Pinoy, na parehong pinalakpakan ang dalawang boksingero bago pa naman sabihin ang mga iskor sa laban.
Ipinakita rin ni Pacquiao sa laban na kinalimutan na niya ang masaklap na one-punch knockout loss kay Juan Manuel Marquez noong nakaraang Disyembre.
At bagamat magiging 35-anyos na siya sa Disyembre 17 at matapos ang halos 18 taong kampanya sa loob ng ring, ipinakita rin niya na siya pa rin ang dating mahusay na boksingero na nagwagi ng korona sa iba’t-ibang weight division.
“This is still my time. My time isn’t over,” sabi ni Pacquiao, ang bagong WBO international welterweight champion na umangat sa 55-5-2 record kabilang ang 38 knockouts. “My journey will continue and we will rise again.”
Bagamat dinomina niya sa labanan si Rios, pinuri naman ni Pacquiao ang dating lightweight champion matapos na
bigyan siya nito ng isang matinding bakbakan.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.