Willie: Hindi muna ako pupunta sa mga lugar na binagyo!
Sa mga oras na ito ay nasa Macau na si Willie Revillame para sa isang maigsi lang namang bakasyon. Sinasamantala niya ang pagkakataong makapamasyal habang wala pa siyang network na pagtatrabahuhan.
Marami na siyang naiikot na probinsiya pero hindi siya napapagod. Gustong-gusto niyang nakikita ang uri ng pamumuhay ng mga kababayan natin dahil kataka-taka nga namang napakaliit lang ng kinikita nila buwan-buwan pero maayos pa rin ang kanilang pananaw sa buhay.
Kuwento ni Willie, “Palaging ganu’n ang ginagawa ko kapag nagpupunta ako sa mga probinsiya, I always see to it na nabibisita ko ang mga lugar kung saan naninirahan nang simple lang ang mga kababayan natin.
“Napaka-positive kasi nila. Hindi naman kataasan ang suweldong tinatanggap nila monthly, pero magugulat ka, sila pa ang pinakamalakas magsitawa. Ibang klase talaga ang Pinoy,” komento ng aktor-TV host.
Sampung milyong piso ang ibinigay niyang donasyon para sa mga kababayan nating sinalanta ni Yolanda sa Kabisayaan. Sa DSWD niya ipinadala ang kanyang tulong, hindi sa isang network, kaya maraming nagtataka at nagtatanong kung bakit nga ba ganu’n ang naging desisyon niya?
Ayaw raw niya sa alinmang network dahil baka isipin ng iba na rekognisyon lang ang hinihintay niya. Walang-wala sa kanyang puso ang ganu’n, tumutulong siya nang tahimik lang, ibang tao ang nagsasabi tungkol du’n.
“Hindi na muna ako pupunta sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, palilipasin ko muna ang mga araw na ito para maging normal pa ang kanilang buhay sa Kabisayaan.
“Pero gustong-gusto kong makita ang lugar, nalulungkot ako kapag napapanood ko ang mga footage ng Yolanda, lumuluha ako kapag nakikita ko ang mga pagsasakripisyo nila.
“Pero makababangon pa rin tayo, babangon at babangon tayo. ‘Yun ang Pinoy, walang paghamong inuurungan,” pahayag pa ni Willie.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.