Nora bigay nang bigay hanggang halos wala nang natira sa kanya – Ricky Lee

Nora Aunor at Ricky Lee
“NAKITA kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit 10 DH (domestic helper), lumuluha,” ang bahagi ng pa-tribute ng National Artist na si Ricky Lee para kay Nora Aunor.
Isa ang veteran at premyadong scriptwriter sa nagbigay-pugay sa Superstar at National Artist sa ginaganap ngayong State necrological service sa Manila Metropolitan Theater ngayong araw, April 22.
Inalala ni Ricky Lee ang ilan sa mga pinagsamahan nilang pelikula ni Ate Guy at kung paano sila naging close sa isa’t isa bilang magkaibigan.
“Nu’ng 1993 ay naglibot sa iba’t ibang bansa ang dulang DH na sinulat ko at pinagbidahan ni Guy. Nagpunta kami sa Central Park sa Hong Kong. Daan-daang DH ang nandu’n. Halos bawat isa’y niyayakap ni Guy. Kinakausap. Kinukumusta kung ano na mga problema nila.
“Noong paalis na kami, lumingon ako. At nakita kong tumatakbo sa kalsada ang mahigit 10 DH, lumuluha habang humahabol sa van.
“Naisip ko, ‘Bakit ganito ang epekto ni Guy sa mga tao? Bakit sila umiiyak?’ Alam ko kung bakit. Dahil nakikita nila si Guy sa kanilang mga sarili. Sila si Guy,” pagbabalik-tanaw ng scriptwriter.
Una raw silang nagkakilala ni Nora nang gawin nila ang classic film na “Himala”, “Nu’ng gabi, bago ang shooting ng finale kung saan sinabi niyang ‘Walang himala!’ ni-revise ko ang buong monologue.
View this post on Instagram
“Sinabi ni Ishma (Direk Ishmael Bernal) kay Guy, ‘One take lang tayo bukas dahil tatlong libong extra at walo ang camera.’ ‘Opo, Direk,’ sabi ni Guy.
“Kinabukasan ay idineliver ni Guy ang monologue sa harap ng libong mga tao na karamihan na Ilokano at di naiintindihan ang sinasabi niya. Pero nasa puso ni Guy ang masa,” pagbabahagi pa ni Ricky.
Patuloy pa niya, “May paraan siya ng pag-connect sa kanila na hindi laging nangangailangan ng mga salita. Naging matalik na kaibigan ako ni Guy nang gawin namin ang Andrea, Paano Ba ang Maging Isang Ina? na siya ang producer.
“May nagpasabi kay Guy na makakapasok lang daw ang Andrea sa Metro Manila Film Festival kung babaguhin ang ending.
“Doon kasi sa ending ay binaril si Andrea ng mga sundalo point blank sa ulo. Dapat daw ay nagtatangkang tumakas si Andrea kaya siya binaril.
“‘Huwag na lang nating isali kung babaguhin ang ending,’ sabi ni Guy. Nanindigan siya at tinanggap pa rin ang Andrea kung saan naka-grand slam siya as Best Actress.
“Rebelde si Guy. Sa loob ng pitong dekada ay nilabanan niya ang status quo. Binago niya ang kolonyal na pagtingin nagsasabing mga mapuputi lang at matatangkad ang maganda sa puting tabing.
“Ginampanan niya ang papel ng mga babaeng palaban at makatotohanan. Naging madres siya, bilango, lesbian, NPA, OFW, kabit, anak ng inang naging kaagaw sa pag-ibig, alalay, atsay, kontrabida, muslim, igorota, may demensya, mamamatay-tao.
“Sa isang panahong hindi tanggap ng mga tao na namamatay ang bida sa ending, namatay siya sa Tatlong Taong Walang Diyos, Himala, Nakaw Na Pag-ibig, Andrea, Floor Contemplation at iba pa.
“Marami siyang binasag at binago ang paniniwala. Ipinakita niyang mahalaga ang nararamdaman ng mga taong nasa gilid ng lipunan may mga boses na kailangang pakinggan.
View this post on Instagram
“Pinili niyang huwag lang maging superstar kundi maging isang tunay ng artista ng bayan. Nilagyan niya ng hugis ang ating mga damdamin. Binigyan niya ng direksyon ang ating mga aspirasyon.
“Binigyan din niya tayo ng pag-asa at tinuruang puwede tayong lumaban upang matupad ang ating mga pangarap. Ipinakita niya sa atin ang kapangyarihang hindi natin akalaing meron pala ang ordinaryong tao. Ginawa niyang totoo ang ibig sabihin ng sining,” saad pa ni Ricky Lee.
“Minsan nang tanungin ko si Guy kung bakit laging malungkot at puno ng damdamin ang mga mata niya, sabi niya, pinaglihi daw kasi siya ng ina niya sa Mater de la Rosa, yung birhen na may pitong punyal sa puso.
“Kaya siguro kahit na nakatawa siya, sa mga mata niya ay may lungkot pa rin. Puno ng kontradiksyon si Guy, simple pero komplikado.
“Laging nakangiti, pero sa loob ay maraming takot. Sobrang mahiyain, pero sentro ng atensyon. Napakataas at nasa pedestal, pero napakadaling maabot. Isang taong ordinaryo na extraordinaryo.
“Sa loob ng halos pitong dekada, tayong mga ordinaryong tao ay ginawa rin niyang ekstraordinaryo. Kaya siguro madalas ay di natin malaman kung anong gagawin sa kanya.
“Hahangaan lang ba natin siya? Sasambahin? Gagayahin? Pag-aaralan? Bata pa man ay inangkin na natin siya.
“Hiningi natin ang boses niya, ang buong buhay niya at ng pamilya niya. Ang katahimikan niya. Pinakialaman natin bawat galaw niya. Hiningi natin maging ganito siya, maging ganoon siya.
“Binansagan natin siya ng kung ano-ano. Tinanggalan ng boses hanggang hindi na makakanta. Dalawang beses na pinagkaitan na maging national artist.
“Iniwasan ng maraming producer dahil marami daw sakit, mahirap daw makatrabaho. Kalat na kalat ang mga kuwento kung gaano kagalante si Guy.
“Kapag may nangangailangan, pautangin niya agad. Ang sweldo niya sa lahat sa shooting day ay ipinamimigay niya sa crew at iba pa mga tao sa set.
“Namigay siya ng pera sa mga preso noong shooting ng Flor Contemplation. Hindi naging madali ang buhay ni Guy nitong mga nakaraang taon.
“Marami siyang sakit at naghirap siya. Halos walang mga ari-arihan. Pero hindi pa rin siya tumigil ng pag-iisip para sa kapakanan ng iba. Gusto niyang magtayo ng isang foundation na tutulong sa mga fans at iba pang nangangailangan,” patuloy na pagbabahagi ni Ricky.
Sabi pa niya, “Buong buhay ni Guy, nagbigay siya nang nagbigay, hanggang sa halos wala nang natira sa kanya.
“At tayo, dahil nasanay na tayong siya ang bigay ng bigay, madalas ay nakakalimutan natin na siya man ay may mga pangangailangan din.
“Kaya sa gitna ng ating pagdadalamhati ngayon, gusto natin sabihin sa kanya, ‘Guy, sa ngalan ng milyun-milyong mga taong pinukaw mo, niyakap mo, pinahid mo ang luha, binago mo ang buhay, tanggapin mong aming walang hanggang pasasalamat.
“Nagpapasalamat kami na nabuhay kami sa isang panahong naririto ka. Minsan lang mangyayari ang isang Nora Aunor. Pero di pa tapos ang kuwento mo, nagsisimula pa lang.
“Ang pangalan mo ay pangalang sasambitin namin lagi ng walang pagod sa mga susunod pang henerasyon upang hindi nila makalimutan kailanman na minsan sa isang ginintuang panahon ay may isang bituhing walang kupas na nagningning sa kalangitan ng ating mga buhay.
“Minahal mo kami ng lubos maski na halos ay wala nang natira para sa sarili mo. Hayaan mong mahalin ka rin namin hanggang sa walang hanggang.
“Salamat,” ang kabuuang bahagi ng speech ni Ricky Lee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
