Call center agent nabaon sa utang dahil sa online sugal, miserable ang buhay

Stock image
NAPAKAAYOS at masaya ang buhay noon ng isang lalaking empleyado pero bigla nga itong nagulo at naging miserable dahil sa pagsusugal.
Baon na baon ngayon sa kautangan ang isang letter sender sa Facebook page na Peso Sense matapos maadik sa online sugal. Nasira ang buhay niya at ang relasyon niya sa kanyang pamilya nang dahil dito.
“Please hide my identity. I am a male single nasa late 20’s na. Bata pa lang ako mulat na ako sa mundo ng sugal, 5 taon palang ako nang mamatay ang aking sa ama.
“Walo kaming magkakapatid at mag isang itinaguyod ni Mama (labandera/kasambahay) at hindi narin nag asawa. Naging sugalan ang aming bahay (tongit-an) at ako bata pa lang nagpapa-Tong na ako para may pang gastos kami. Dahil nakikita ko yung mga baraha natutunan ko narin kung paano ito laruin,” simulang pagbabahagi ng netizen na nagwo-work ngayon bilang call center agent.
Pagpapatuloy niya, “Elementary pa lang ako marunong na akong maglaro na may pustahan ng pera ( bacarrat / lucky 7/ kara / tatsing at iba pa.). Ako lang nakatapos ng pag-aaral sa aming 8 magkakapatid, sa PUP ako nag-aral, before gumraduate naipasa ko ang Civil Service Exam (Professional) kaya masasabi kong may utak din ako kahit papano.
“Breadwinner ako, nagkaroon kami ng maayos na bahay dahil sa akin though di man ako lahat gumastos pero ako ang may malaking rason bakit nakapagpatayo kami ng bahay– this was during pandemic at naka wfh ako kaya malaking tipid at ipon.
“Kahit na nasa 20k lang sahod ko nun, nakakapagprovide din ako sa bahay – pagkain, bayad ng bills pati gamit sa bahay, di ko narin masyadong inaasahan mga kapatid ko gawa ng wala naman silang stable na trabaho (blue collar job).
“Shortcut ko ang storya, jobless ako for almost 2 years dahil nag aral ako ng 1year (unit earner) para makapag LET, February 2024 nang subukan ko mag laro sa online game dahil nakita ko ito sa Commercial habang nanunuod ng TV.
“Sa una masaya kasi tumatama ako di naman kalakihan nasa 500-1000 kada araw ganu’n, so nakakabili ako kahit papano ng kailangan sa bahay, wala pa akong utang dito dahil sa sugal pero may online lending na akong inaalagaan so kapag gusto ko maglaro at wala ako pera maLoan lang ako 1k tapos naibabalik ko rin.
“Nagsimulang maging miserable ang buhay ko last Septmember 2024, tumama ako ng 30k – 200 taya ko at tumama ng Jackpot. Di ko rin sya nawithdraw agad dahil sa mahabang process, so naubos din agad 2 days lang.
“Dito narin nagpatung patong ang loan ko sa online lending, yung dating isang online lending lang dumami nang dumami – magloloan sa iba para ipang tapal sa isa. Sobra na akong naadik, umabot sa 150k na utang ko sa online dahil sa sugal na di ko pinaaalam sa pamilya ko.
“Sobrang stress na ako, umiyak narin ako nang maraming beses dahil di ko alam kung saan kukuha ng pambayad dahil wala naman ako trabaho pa, kapag nauubos ang hawak kong pera – lagi akong nagpaplanong titigil na at kapag nakakahiram ako sa online lending pa at sa tao, ayun sugal na naman dahil baka makabawi pero lalo lang lumulubog.
“Yung 30k na tinamaan ko, sobra sobra pa sa doble ang binawi sa akin, nagChat na ako sa mga kaklase ko noon para mangutang at ibayad sana sa mga utang ko dahil nga sabi ko titigil ko na ang pagsusugal pero hindi nangyari dahil lahat ng inutang ko sa tao at online lending napunta lang sa sugal, puro Cash in lang walang Cashout,” pahayag pa ng call center agent.
Patuloy pa niya, “Sa sobrang stress ko at sa tuwing natatalo, ipinag dadasal ko na sana huwag na lang ako magising, na sana mamatay na lang ako. Pero kapag nakahawak ng pera na hindi naman sa pansarili ko lang ei icaCash in ko na tapos sugal na naman.
“Sa ngayon, sobrang walang wala na ako, overdue na ako sa mga online lending app. Sobrang accessible ng sugal ngayon pati ng source ng perang pansugal kahit wala kang trabaho kaya mo nang gawin isang click lang.
“Nagwowork ako sa Manila sa BPO industry, at yung utang ko rin ay nasa 200k + na. yung sahod ko sa isang taon di pa sapat para maubos mabayaraan ko ang mga utang ko.
“Ipinagdarasal ko rin nga na sana may isang tao akong makilala na makakatulong sa akin financially, yung tipong willing akong pahiramin ng pera dahil yung utang ko sa online ay tumataas nang tumataas dahil sa interes.
“Ang pagsusugal online ang pinakamaling desisyon na ginawa ko sa buhay ko na habang buhay kong pagsisihan.
“Hanggang dito na lang, maraming salamat,” ang buong liham ng netizen.
Mga ka-BANDERA, ano bang naipapayo n’yo kay Kuya? May nga nakaka-relate ba sa sitwasyon niya ngayon? Comment below na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.