
Honeylet Avanceña and Rodrigo Duterte, injured SAF personnel
HINDI na itutuloy ng opisyal ng Special Action Force (SAF) ang kasong direct assault laban kay Honeylet Avanceña, ang partner ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos umano siyang masaktan nito habang sinisilbi ang warrant of arrest kay Duterte.
Kinumpirma ito ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa isang panayam sa telepono nitong Biyernes, March 14.
“Personal decision ng pulis na huwag nang magsampa ng kaso at ang reason niya ay kasama ‘yun sa hazard ng kanyang trabaho,” sey ni Fajardo na ayon sa ulat ng INQUIRER.
Aniya pa, “Kaya okay lang at magpapagaling lang daw siya at back to work na daw siya.”
Baka Bet Mo: Rodrigo Duterte nasa ICC Detention Center na, sasailalim sa pre-trial
Sa isang video na ibinahagi ng PNP nitong Huwebes, March 13, makikita si Honeylet na umano’y hinampas ang pulis sa ulo gamit ang cellphone.
Naganap ang insidente sa gitna ng tensyon sa pagitan ng mga awtoridad at kampo ni Duterte habang hawak siya ng mga opisyal sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Bukod sa video ng pamumukpok, ipinakita rin ng PNP ang malaking bukol sa noo ng Special Action Force (SAF) personnel.
Nauna nang inilarawan ni Fajardo na napuno ng tensyon at emosyon ang pag-aresto nila sa dating presidente.
Sinusubukan daw kasi nila itong isakay sa isang chartered flight patungong The Hague sa Netherlands nitong Martes, March 11, ngunit tila ayaw itong isuko ng pamilya.
Ang naging pag-aresto kay Duterte ay batay sa isang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ito ay upang litisin ang kasong crimes against humanity laban kay Duterte na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra iligal na droga o Oplan Tokhang noong kanyang administrasyon.