Bong Revilla sinagot mga isyu sa MMFF, Eddie Garcia Law, MTRCB

Eddie Garcia, Jillian Ward at Bong Revilla
KAHIT abala sa pag-iikot ang senatorial re-electionist na si Bong Revilla, Jr. ay hindi pa rin siya nakalilimot kumustahin ang entertainment media.
Matagal na niyang nakasama ang ilang miyembro ng showbiz press, simula pa noong baguhan pa lang siya sa industriya.
At dahil bihirang makapanayam si Sen. Bong ng movie press ay sinamantala ng mga itong tanungin ang lahat ng isyung mainit na pinag-uusapan ngayon sa showbiz.
Si Sen. Bong alyas Tolome, karakter niya sa seryeng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” ay nagpapasalamat sa patuloy na suporta ng taumbayan sa kanyang kampanya.
Ramdam na ramdam daw ng aktor ang pagmamahal ng tao sa mga naging pag-iikot niya sa pagsisimula ng campaign period.
Malaking tulong aniya na na-appreciate ng mga kababayan natin ang mga makakabuluhang batas na naipasa niya lalo na nitong kasalukuyan niyang termino sa senado tulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), “Expanded Centenarians Act” (RA 11982), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), “No Permit, No Exam Policy Prohibition Act” (RA 11984), at marami pang iba.
Natanong ang senador tungkol sa patuloy na paghina ng pelikula sa takilya, “Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng manonood at hindi aantayin na lang sa streaming o online.”
View this post on Instagram
Sabi pa ng aktor, dapat mag-adjust ang industriya at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability ng pelikula, tulad ng pagbibigay ng incentives sa mga producers lalo na sa maliliit na kumpanyang hirap makapasok sa sinehan.
May nagtanong din kung nakakasakal nga ba ang Eddie Garcia Law dahil tila nagpapahirap daw ito sa producers na limitado ang oras ng taping at shooting.
“Naniniwala ako na it is for the industry as a whole at hindi lang sa mga manggagawa,” pahayag ng senador.
Napatunayan niyang posible ang compliance nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng proyekto.
Tungkol naman sa pagpapalawig sa authority ng MTRCB sa online at streaming content, “Hindi kasi tama na ‘yung mga online at streaming ay kung ano-ano na lang ang puwedeng ipalabas kahit hindi ito tumatalima sa kagandahang-asal, values, at kultura ng bansa.”
Naging malaking kontrobersya ang nakaraang Metro Manila Film Festival 2024 dahil balitang may mga pinaboran ang mga hurado kaya natanong ang magiting na senador kung dapat na ba itong hawakan ng mga taga-industriya.
Bukas naman daw siya sa ideya, “Puwede namang i-privatize na yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero pag ganyan, no government funds can be used for the purpose.”
Pinag-aaralan din umano niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sarili nilang film festival bilang alternatibo.
At sa tanong kung may plano siyang gumawa ng bagong proyekto matapos ang eleksyon, public service raw muna ang kanyang priority pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula at isulong ang season 4 ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.