Pilipinas nahuhuli sa mundo pagdating sa ‘work-life balance’ –survey

INQUIRER file photo
MUKHANG totoo ang kasabihang, “Trabaho muna bago jowa!”
Ito ay dahil sa isang global survey na iniulat ng monthly magazine na Esquire Philippines na ang lumalabas ay mukhang hindi nga masyadong pinahahalagahan sa Pilipinas ang work-life balance.
Base sa Global Life-Work Balance Index 2024 na isinagawa ng international HR group na Remote, nahuhuli ang Pilipinas pagdating sa pagbabalanse ng trabaho at personal na buhay.
Mula sa 60 bansa, second to the last sa listahan ang Pilipinas na may score na 27.46 out of 100.
Baka Bet Mo: Belle Mariano kering-kering pagsabayin ang lovelife at career: Hindi ka kailangang mamili
Ang pinakamababa naman sa listahan ay ang bansang Nigeria na may 16.5 na puntos.
Ayon sa datos, ang average na oras ng pagtatrabaho ng isang empleyado sa Pilipinas ay 40.63 oras kada linggo.
Pero ang masaklap, ang sahod? $1.45 o P84 lang kada oras!
Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit marami ang nalulungkot at pagod na pagod sa trabaho.
Bukod pa diyan, lumabas din sa survey na ang happiness index score ng Pilipinas ay 6.04, at ang ranking natin pagdating sa inclusivity ng LGBTQ+ community ay 57 out of 100.
Sa madaling salita, hindi lang trabaho ang may problema, kundi pati na rin ang kalidad ng buhay at pagtanggap sa iba’t-ibang grupo sa ating lipunan.
Sa mga kapitbahay nating bansa sa Southeast Asia, tila mas may balanse sila sa buhay-trabaho kumpara sa atin.
Ang Singapore ay nasa ika-26 na pwesto, Vietnam sa ika-37, Thailand sa ika-39, Indonesia sa ika-43, at Malaysia sa ika-47.
Ayon sa Remote, ang mahinang work-life balance ay may epekto sa employee well-being.
Kung nais ng mga employer na magkaroon ng mas loyal na empleyado at makahikayat ng magagaling na talento, kailangan nilang pagandahin ang kondisyon ng trabaho.
Kung akala mo, nakaka-stress na ang haba ng trabaho at baba ng sahod, may isa pang nakababahalang realidad –isa ang Pilipinas sa Top 10 na pinaka-delikadong lugar para sa mga manggagawa.
Ayon sa Global Rights Index ng International Trade Union Confederation (ITUC) noong 2020, maraming manggagawa ang nakakaranas ng karahasan, intimidasyon, at maging ng pagpaslang.
Ang tinatawag na “red-tagging” ay naglalagay sa kanilang miyembro sa panganib ng pang-aabuso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.