PINURI ni San Beda College head coach Boyet Fernandez ang matinding depensa ng koponan at sinabi niyang ito ang pangunahing dahilan kung bakit nakuha ng Red Lions ang ikaapat na diretsong kampeonato sa NCAA men’s basketball tournament.
“Yung defensive mentality ng San Beda ang talagang nagpanalo sa amin. And I am happy that I have players who don’t want to lose,” sabi ni Fernandez sa isang panayam ng Bandera matapos na biguin ng koponan ang Letran Knights sa winner-take-all Game Three ng NCAA Finals nitong Sabado.
Ito ang ika-18 kampeonato ng San Beda College na pinakamarami sa kasaysayan ng liga. “Winning the NCAA is every college player’s dream,” aniya. “I am very proud of this team.”
Ito ang unang taon na naupo bilang head coach ng San Beda si Fernandez. Hinalinhan niya si Ronnie Magsanoc bago nag-umpisa ang season.
Sa susunod na taon ay inaasahan ng karamihan na hahataw pa rin ang Red Lions dahil bukod sa pag-gradweyt ni Rome dela Rosa ay mananatiling buo ang koponan.
Bago nag-umpisa ang 2013 season ay dinala ni Fernandez ang kanyang team sa isang training camp sa Estados Unidos.
“Ang hirap ng training namin dun dahil twice a day ang practice namin.
Nakakapagod talaga,” kuwento ni Fernandez. “But I told the boys, yung hirap na dinadanas namin will reward us with a four-peat come NCAA season.”
Sa ngayon ay abala si Fernandez sa minamanduhan niyang NLEX sa PBA D-League kung saan naglalaro ang ilan sa mga players niya sa San Beda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.