
Ivana Alawi at Batang
MAGALING na ang social media influencer na si Ivana Alawi dahil nakapag-post na siya ng bagong vlog sa kanyang YouTube channel.
Matatandaang nabalita na naospital siya kamakailan dahil sa polycystic ovary syndrome (PCOS) at noong Enero, 2025 ay nagbahagi siya ng mga update tungkol sa wildfires sa Los Angeles, California with matching pictures kung saan doon siya nagbakasyon simula Disyembre, 2024.
Taun-taon ay nagbabakasyon si Ivana sa Los Angeles, California kasama ang kanyang pamilya dahil may bahay siya roon at ngayon ay balik-Pilipinas na siya.
Samantala, napanood namin ang latest video ni Ivana kung saan pinrank niya ang kanyang driver na nagngangalang Batang na matagal nang naninilbihan sa kanya at trusted na niya dahil walang nawawalang gamit kahit na pera.
Baka Bet Mo: Aktor niloloko ang non-showbiz GF, may lihim na relasyon sa ka-loveteam
Marahil ay wala nang ma-prank ang sikat na content creator kaya ang driver niya ang pinagtripan at kinuntsaba niya ang isa ring influencer, staff niya at pati ang guwardiya sa isang gated subdivision.
Collaboration ang tawag ngayon kapag kakuntsaba mo ang mga kasama mo para mapaniwala at hindi makahalata ang isang tao ipa-prank.
Ang kuwento ay nawala o na-carnap ang mamahaling SUV ni Ivana na nagkakahalaga raw ng P20 million kaya tumatalak siya at talagang pinagagalitan na ang kanyang driver na baka raw may kakuntsaba ito na nakawin ang kanyang mamahaling kotse.
Panay ang talak ni Ivana sa parking lot at kung sinu-sino ang gusto nitong papuntahin tulad ng pulis at pinadadala pa ang kopya ng CCTV para makita kung ano talaga ang nangyari.
Siyempre sabi ng staff niya ay hindi puwedeng basta makuha ang kopya ng CCTV unless may order ang Philippine National Police at kung anu-ano pa.
Kitang-kita kung gaano na ka-stress ang driver dahil panay ang text nito at tumatalikod kina Ivana para siguro hindi makitang naiiyak na siya sa nangyayari.
Nakadagdag din sa stress ng driver itong influencer na kakuntsaba o ka-collab ng dalaga dahil panay ang sabing naiwan niya sa sasakyan ang mamahalin niyang airpad na nagkakahalaga ng P25,000 at kesyo mali-late na siya sa meeting niya.
Marami pang talak si Ivana sa driver niya na mapapanood sa video na umabot na sa 2 million views at nang makitang pilit na kinakalma ng driver ang sarili ay saka nagsabi ang kakuntsabang influencer ng dalaga na, “It’s a prank!” sabay tawa ng lahat.
Humingi naman ng dispensa si Ivana sa driver na napaiyak na sa galit siguro dahil napahiya siya sabay abot ng amo niya ng P100,000 bilang premyo.
Kitang-kita na ayaw tanggapin ng driver na nagpupunas pa ng kanyang mga mata ang pera na pilit na inaabot ni Ivana at marahil ay naisip nitong na baka mapahiya ang amo niya kaya tinanggap na rin niya.
Nabanggit pa ng dalaga na mapapanood ng dalawang anak ng driver ang prank na ito at kung gaano kabuti ang tatay nila.
Panay ang hingi ulit ni Ivana ng sorry sa driver niya at hiningan ng message pero wala na itong masabi at panay na lang ang kamot ng ulo.
“Sorry na Kuya, ‘wag ka na magalit alam mo namang prankster ako, di ba?” say ni Ivana.
“Oo nga Ma’am, hindi ko akalain (mabibiktima ako),” saad ng driver na halatang gigil pa rin.
“You got prank!” sabi ulit ng kakuntsabang influencer ni Ivana.