
Jojo Mendrez, Mark Herras
“HINDI totoo ‘yung chismis!”
‘Yan ang mariing sinabi ng tinaguriang Revival King na si Jojo Mendrez sa isyung may “something” sila ng actor-dancer na si Mark Herras.
Kamakailan lang kasi, kumalat sa social media ang litrato ng dalawa na spotted na magkasama sa isang hotel casino.
Nilagyan agad ito ng malisya ng ilang mga nakakita at ipinagpalagay na may relasyon na sa pagitan ng dalawang celebrity.
Pero pinabulaanan na ‘yan mismo ni Jojo matapos maging guest ni Ogie Diaz sa “Showbiz Update” na mapapanood sa YouTube.
Baka Bet Mo: Mark Herras gumiling-giling sa male entertainment bar, naghubad kaya?
“Kaya nga medyo nawindang ako ‘nung araw na pag-open ng phone ko, puro ako tsaka si Mark ang laman,” bungad na reaksyon ni Jojo.
“Hindi totoo ‘yung chismis. Wala ‘yun malisya kasi nagkaroon lang ng collaboration sa Okada,” giit niya na tinutukoy diyan ay ‘yung ginawa nilang video reaction para sa kantang “Somewhere In My Past.”
Nang tanungin naman ni Ogie kung bakit sa Okada pa ginawa ang collab, ang paliwanag diyan ng singer, “‘Yung managers ko doon naka-check in, nagkataon.”
Kwento niya, “So kukunan sana siya ng video reaction sa Starbucks, e, maraming tao. Kaya sabi ng managers ko, doon na lang sa room. Doon kami nakunan ‘nung naglalakad kami.”
Tinanong naman ng showbiz insider kung lumabas na ‘yung sinasabing video reaction nila kay Mark.
Ang sagot sa kanya, “Hindi na nilabas ng management kasi tuloy-tuloy ‘yung isyu. Nag-judge na lahat ng mga tao na nakanood. Hindi mo naman ma-explain. So siyempre, kapag nilabas mo ‘yun, lalong magkakaroon pa ng intriga.”
Kasunod niyan, sinabi ni Ogie na nilinaw na rin mismo sa kanya ni Mark ang tungkol sa viral photos na kinomisyon lang daw siya para sa nasabing collab with Jojo.
Nabanggit din ni Ogie ‘yung isa pang nag-trending na picture ng dalawa na magkatabi sa slot machine.
Depensa naman diyan ni Jojo, “Nagkakayayaan na mag-play after the shoot…ang nangyari, maraming tao ang nagshu-shoot which is bawal naman sa casino eh magkalapit kami ‘nung time na ‘yun, so hindi namin alam kung sino ‘yung nagpi-picture at nag-upload ‘nung mga photos na ‘yun.”
“Malicious kasi ‘yung pagkaka-picture,” aniya pa.
Magugunitang nauna nang naglabas ng official statement ang talent management ni Jojo, ang AQUEOUS Entertainment.
Ayon sa kanila, “purely malicious content” ang kumakalat na post ng dalawa.
“Jojo and Mark are good friends. Nothing more. Nothing less,” saad pa sa pahayag.