Darryl Yap sa mga kaibigan daw ni Pepsi: Walang ibang sinabi kundi paninira

Darryl Yap sa mga kaibigan daw ni Pepsi: Walang ibang sinabi kundi paninira

MAY mga bagong hugot na naman ang controversial filmmaker na si Darryl Yap tungkol sa bago niyang pelikula, ang inaabangang “The Rapists of Pepsi Paloma.”

Partikular na tinukoy ni Direk Darryl ang mga taong nakikisawsaw sa latest movie niya na pinagbibidahan ng teen star na si Rhed Bustamante kasama ang ilan sa mga de-kalibre at premyadong artista sa bansa.

Sa kanyang Facebook page, nag-post uli ang direktor ng matapang na mensahe para sa lahat ng indibidwal na hinusgahan agad ang “The Rapists of Pepsi Paloma” kahit hindi pa nila ito napapanood.

“Matatalino ang mga Pilipino. Bukod sa alam naman nila ang totoo. Nagbabasa rin sila at nagsasaliksik.

Baka Bet Mo: Mga Marites abangers na sa pasabog ng ‘Pepsi Paloma’ movie ni Darryl Yap

“Nakakatuwang isipin na ang mga mamamahayag na dapat ay tagapagtaguyod ng katotohanan ay nagpapakabakya para subukang pahinain ang unos na dala ng papalapit na pelikula,” simulang pagbabahagi ni Direk Darryl.

Pagpapatuloy pa niya, “Himbis mainis, napapangiti ako tuwing may bagong pakulo, pautot at interbyu mula sa mga kung sinu-sino ang ilang gustong makisawsaw.

“Iniimagine ko na lang ang itsura nila pagkatapos mapanood ang pelikula— para silang naghukay ng balon sa tabi ng gripo. Masyadong pinalalim ang madaling abutin.

“Ang Munti naming Pelikulang #TROPP #TROPP2025 The Rapists of #PepsiPaloma ay paglalahad ng kwento ng katotohanan mula sa Pamilya ni Pepsi.

“Pamilyang hindi naman hiningan ng panig, pinagbintangan ng kung anu-ano at hanggang ngayon ay tinatanggalan ng karapatang magkwento,” saad pa ng palabang direktor.

Sey pa ni Darryl Yap, wala siyang inimbento sa mga detalyeng ilalahad sa “The Rapists of Pepsi Paloma”, “Ang Pelikula ay hango sa mga published articles, news at matagal nang nakalutang na mga sources na madaling hanapin sa internet—hindi na kailangang magresearch o magpakaimbestigador.

“Hindi nawala sa sirkulasyon ang usaping ito. Taun-taon, nadadagdagan.

“Ang kaibahan lang ng aming Pelikula ay Ngayon, matapos ang 40 taon— makikilala natin si Pepsi sa Punto De Vista ng kanyang Ina— at ng kapatid nyang kasama niya mismo sa bahay bago sya pumanaw.

“Panoorin nyo rin ang mga naglipanang interbyu ngayon—mga nagsasabing kaibigan pero walang ibang sinabi kundi paninira—at mga taong walang direktang kaalaman, gusto lang makibirit sa ingay.

“Maraming Salamat po sa pagpapahalaga sa Pelikulang wala pa man ay pilit nang hinuhubaran ng iilan,” aniya pa.

Read more...