HINDI mawawala sa ere ang programang “Dear SV” ng TV8 Media na kasalukuyang ipinalalabas sa GMA Network na hino-host ng kumakandidatong mayor ng Maynila na si Sam Versoza.
Ito ang sinigurado ng nakausap naming taga-GMA dahil bago pa pala nagsimulang mag-ikot si Sam para mamahagi ng ikabubuhay ng kapwa niya Manileno ay nagsabi na siya kung sino ang papalit sa kanya bilang host.
Ang kanyang long-time girlfriend na si Rhian Ramos ang hahalili muna kay SV bilang host habang abala pa ito sa kanyang kandidatura na magsisimulang mangampanya bago ang eleksyon sa Mayo.
Maraming nakakaalam ng supporters ni Rhian kaya masaya sila para sa aktres dahil muli nitong mapapakita ang kanyang talent pagdating sa hosting.
Baka Bet Mo: Rhian, SV sa pagpapakasal: Mahaba pa ang life, hindi kami nagmamadali
Hindi naman bago na ito kay Rhian dahil lagi naman siyang isinasama ng boyfriend niyang si SV sa mga lugar na hinahatiran nila ng tulong kaya personal niyang nararanasan ito at naging malapit din siya sa mga taong nangangailangan.
Sa ilang beses naming nakapanayam si Rhian ay dama namin ang kanyang sinseridad at lapit sa tao kaya kung maiisipan niyang pasukin din ang politika pagdating ng araw ay pupwede.
Sa kanyang showbiz career ay hindi naman nawawalan ng project si Rhian sa GMA dahil lagi pa rin siyang priority at kasama siya sa “Encantadia Chronicles: Sang’gre.”
***
Bilang pasakalye sa Chinese New Year, anim na pelikula ang binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng karampatang klasipikasyon para sa ikaliligaya ng manonood.
PG (Patnubay at Gabay/Parental Guidance) ang “Her Locket” na humakot ng 8 awards sa 2024 Sinag Maynila Film Festival.
Ipinaalala ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak sa tamang pagpili ng mga panonoorin.
“Habang may mga eksena na posibleng naglalarawan ng ilang sensitibong paksa, tayo, bilang mga magulang, ay laging handa na sagutin ang mga tanong ng ating mga anak,” sey ng chairperson.
Rated R-13 naman ang “Presence” at mga edad 13 pataas lamang ang pwedeng manood nito dahil sa ilang masisidhing eksena.
Gayundin ang “Flight Risk” na R-13 din tulad ng “Death Whisperer 2” at “Overlord: The Sacred Kingdom” na may mga temang hindi angkop sa edad 12 at pababa.
Habang ang “Anora,” mula sa libro ni Sean Baker, ay R-18 dahil sa mga eksena, lenggwahe at maselang paksa na bagay lamang sa edad 18 at pataas.
Tiniyak ni Lala sa publiko na ang mga pelikula ay dumaan sa tamang proseso para mabigyan ng angkop na klasipikasyon para sa kapakanan ng mga manonood, partikular ang mga bata.