Chavit hataw sa survey pero umatras dahil sa lagay ng kalusugan, nagretiro na sa politika

Chavit hataw sa survey pero umatras dahil sa lagay ng kalusugan, nagretiro na sa politika

SINGHAP ng pagkagulat na sinundan ng nakabibinging katahimikan ang naging reaksyon ng mga taga-suporta ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson nang ianunsyo nito ang kanyang pag-atras sa karera sa pagka-senador ng bansa.

Pinuno ng higit 10,000 loyal fans ang Mall of Asia Arena noong January 12 upang magpakita ng buong suporta sa 83-anyos na business tycoon.

Naging malakas ang kampanya ni Singson at patuloy na pumapailanlang mula Oktubre ng 2024.

Sa mabilis na paglobo ng mga taga-suporta nito, and tantsa ay magiging sapat ito upang mailuklok ang businessman bilang isa sa mga mahahalal na labindalawang senador.

Ngunit matapos ang malalim na pag-iisip, minabuti nitong itigil ang kampanya at bigyang-prayoridad ang kanyang kalusugan at tumalima sa pang-matagalang pagseserbisyo sa kapwa imbes na sa pansamantalang ambisyong pampulitika.

Baka Bet Mo: Chavit Singson nagpaagaw ng pera gamit ang ‘golden gun’, may mga natuwa pero marami ring nagalit

Ang anunsyo ay hindi lamang nagtapos sa kandidatura na nakaugat sa pangako na praktikal na reporma at polisiya na nakatuon sa kawanggawa, kundi nagsilbi rin bilang pahayag ng pagreretiro ng isang politiko na ang matagumpay na karera sa politika ay nagdala sa kanya sa halos lahat ng posisyong maaaring ihalal sa gobyerno sa loob ng mahigit kalahating siglo ng paglilingkod sa publiko.

“Sa overwhelming na suporta na ipinakita ninyo, alam ko na po sa puso ko: panalo na po ako,” wika ni Singson na sinundan ng isang malakas na palakpakan.

Patuloy niya, “Hindi ko na po kailangan hintayin ang halalan o manalo ng posisyon para maramdaman ang tagumpay. Para sa akin, ang pinakamahalaga ay makita kayong masaya, maramdaman ang pagmamahal ninyo, at makapaglingkod sa inyo nang walang hinihingi na kapalit.”

Ang kampanya ni Singson ay nakasentro sa mga praktikal na solusyon — kabilang ang “Chavit 500” — isang programang magbibigay ng panghabambuhay na buwanang P500 sa mga minimum wage earners na 18-anyos pataas.

Isinulong ito kaakibat ng VBank, isang digital banking platform na pag-aari ni Singson at kilala sa buong mundo.

Sa pamamagitan ng VBank, layon ni Singson na mabigyan ang lahat ng Pilipino ng access sa mga serbisyong pampinansyal kaya’t ginawa nitong madali ang pagbubukas ng bank account nang hindi nangangailangan ng paunang deposito o maintaining balance. Tinanggal din ni Singson ang remittance fees bilang tulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa pamamagitan nito, hindi lamang magiging posible ang pagpapatupad ng programang katulad ng universal basic income o Chavit 500, magiging daan din ito upang magkaroon ng sistema na magtatanggal sa korapsyon sa pag-abot ng tulong-pinansyal sa mga mamamayan.

Direktang matatanggap ang ayuda o tulong nang hindi dumadaan sa kanino mang politiko at hindi maaantala ng burukrasya.

Bumuo si Singson ng grupo ng mga bihasang abogado at ekonomista upang tumulong na himayin at buoin ang polisiya ng universal basic income, at nasa proseso na ng paghahain nito bilang panukalang batas sa Kongreso sa pamamagitan ng kanyang anak na si Congresswoman Richelle Singson.

Umangat nang husto ang kampanya ni Singson, na nakapagtala ng 11% na pagtaas sa survey rankings sa loob lang ng isang buwan — ang pinakamalaking pag-angat ng suporta sa lahat ng tumatakbo sa pagka-senador, ayon sa Tangere.

Nakamit din ng kampanya ni Singson ang record-breaking na online engagement, na nagpapakita ng matibay na koneksyon na nabuo niya sa kanyang mga tagasuporta dahil sa kanyang matapang na pananaw para sa reporma.

Sa loob lang ng dalawang buwan simula ng ma-activate ang opisyal na Facebook page ni Singson, umangat ito sa ika-2 pwesto sa total reach (kasunod ni Bong Revilla), ika-3 sa monthly net follower increase, at nanguna sa total engagement.

Dahil dito, kay Singson ang pinakamalakas na social media channel sa lahat ng 65 na kandidato sa pagka-senador.

Napakalaki ng naging engagement sa Facebook account ni Singson noong Disyembre–katumbas ng halos walong beses kumpara sa page ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon sa mga independent survey providers na Laylo at Tangere, Facebook ang pangalawang pinakamabisang paraan para maabot ng mga kandidato ang mga botante (ang TV ang #1 at radyo ang #3).

“Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, napag-pasyahan ko po: hindi na po ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado,” ani Chavit.

Binanggit niya na ang kanyang nakaraang paglaban sa pneumonia ang naging udyok upang mas bigyan niya ng pagpapahalaga ang kanyang kalusugan: “Hindi po biro ang kampanya, lalo na ang trabaho ng isang senador, at ayoko pong ipilit kung ang aking kalusugan ang maaaring magdusa. Gusto ko pong makapaglingkod sa inyo ng buong puso at buong lakas.”

Pangalawang beses na ni Singson na umatras mula sa isang senatorial race, ang una ay noong 2007 pagkatapos ng isang helicopter crash na nagdulot ng malubhang pinsala sa kanyang binti.

Sa parehong mga pagkakataon, ang pagmamahal sa serbisyo publiko at dedikasyon sa mga Pilipino ang nagbigay ng lakas kay Singson, at sa parehong pagkakataon, kalusugan ang naging pangunahing konsiderasyon sa kanyang pag-agtras.

Ang kampanyang ito ni Singson na nagsimula sa huling quarter ng 2024 ay nakakuha ng suporta mula sa dose-dosenang kasalukuyang kongresista, at halos isandaang gobernador at mayor mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mula sa magkakalabang kampo sa politika.

Lahat ay nagbigay ng suporta, nag-promote, o diretsahang nag-endorso sa kandidatura ni Singson bilang Senador.

Ang mga endorsements na ito ay nagmula sa iba’t ibang panig — kabilang ang Malapitan clan sa hilaga, mga Mangudadatu sa timog, mga A-list celebrities, at maging si dating Presidential aspirant Mayor Isko Moreno.

“Humihingi po ako ng paumanhin sa mga nagbigay ng kanilang oras, lakas, at suporta para sa kampanyang ito,” ika ni Chavit bilang pagbibigay-pugay sa tulong ng lahat ng tumindig kasama niya.

“Ang paborito kong bahagi ng kampanya,” paliwanag ng kanyang anak na si Congresswoman Richelle Singson, “ay ang makita kung gaano kalalim ang malasakit ni Papa sa mga tao. Kahit saan kami pumunta, sinisiguro niyang makakonekta siya sa lahat, anuman ang kanilang posisyon. Mula sa pagbati sa mga opisyal, pakikipag-usap sa mga tindero, o pakikisalamuha sa staff, sobrang mapagbigay siya sa kanyang oras. Sinisigurado niyang bawat tagahanga ay may makuhang litrato, bawat pakikipag-kamay ay taos-puso, at lahat ay ramdam na mahalaga sila. Paalala ito na ang tunay na pamumuno ay tungkol sa pagpaparamdam sa mga tao na sila ay pinahahalagahan.”

Kahit umatras sa kandidatura, binigyang-diin ni Chavit na magpapatuloy pa rin ang kanyang serbisyo para sa kapakanan ng publiko.

“Ang tulong na binibigay ko sa transport group, sa E-jeepney — tuloy tuloy po iyon! Ang tulong na binibigay ko dito sa Vbank para magkaroon ng bank account at tulong pinansiyal ang masa—tuloy tuloy pa rin iyon!” sey niya.

Isinusulong ni Singson ang paggamit ng electric jeepneys bilang bahagi ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon at para makatulong sa pagbawas ng carbon emissions.

Upang gawing mas abot-kaya, iniaalok niya ang e-jeepneys na halos 67% na mas mababa ang presyo kumpara sa ibang nasa merkado, walang kolateral, walang down payment, at zero interest.

Ang planta na kasalukuyang itinatayo sa Batangas ay magiging daan upang maging abot-kaya ang maintenance at mapadali ang pagkuha ng mga piyesa.

Makapagbibigay din ito ng trabaho sa mga mamamayan.

Sinisiguro ni Chavit na mas praktikal at nakatuon sa komunidad ang paglipat sa mas maka-kalikasan na transportasyon.

Bagamat hindi na niya itutuloy ang pagtakbo sa Senado, nananatiling buhay ang mga adbokasiya at proyekto ni Singson bilang patunay ng kanyang malasakit sa publiko.

“Ang layunin ko sa buhay ay simple lang—ang magpasaya ng tao,” wika niya.

Nang tanungin kung bakit ipagpapatuloy niya ang kanyang mga negosyong tutulong sa tao at programa para sa bansa sa kabila ng mga naging isyu sa kanyang kalusugan kamakailan, simple ang naging tugon ni Singson, “May isa akong salita.”

Sa pagtatapos ng natatangi at kahanga-hangang kampanya ng isang 83-taong-gulang na lider na araw-araw lumipad sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas — anim hanggang pitong araw kada linggo — sa loob ng 14 na linggo upang personal na makilala at makausap ang daan-daang libong Pilipino, ipinahayag ng mga anak at pinakamalalapit niyang kaibigan ang kanilang pagmamahal at buong suporta sa kanyang desisyon na umatras.

Ayon sa mga doktor, wala sa panganib si Singson at patungo na sa tuluyang paggaling.

Read more...