Mga mosyon nina Darryl, Vic hinggil sa ‘Pepsi Paloma’ movie ibinasura

Mga mosyon nina Darryl, Vic hinggil sa ‘Pepsi Paloma’ movie ibinasura

Darryl Yap, Vic Sotto

Trigger Warning: Mentions of rape.

TINANGGIHAN ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) ang mosyon ni Darryl Yap na pagsamahin ang dalawang kaso na isinampa ni Vic Sotto laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na trailer ng “The Rapists of Pepsi Paloma.”

Sa utos na may petsang January 14, sinabi ni Presiding Judge Liezel Aquiatan ng Muntinlupa RTC Branch 205 na walang sapat na batayan ang kahilingan ng direktor na pagsamahin ang petisyon ng batikang aktor para sa writ of habeas corpus at ang hiwalay na reklamong kriminal na 19 counts of cyber libel.

“The motion for immediate consolidation is devoid of merit. The two legal actions are inherently distinct in nature, purpose, jurisdiction, and procedure,” ayon sa pahayag ng hukom.

Ipinaliwanag ng korte na ang mga petisyon para sa habeas data ay may sariling patakaran na hiwalay sa mga reklamong kriminal sa ilalim ng Revised Rules of Criminal Procedure.

Baka Bet Mo: Darryl Yap sa Pepsi Paloma movie: Wala akong sinabing si Vic

“The petition and the criminal complaint are pending before distinct forums and are governed by separate procedural frameworks. Thus, consolidation is legally impermissible,” paliwanag ng korte, na binigyang-diin na kailangang magkahiwalay na umusad ang bawat kaso.

Nilinaw din ng Muntinlupa RTC na bagamat na-isyu na ang writ of habeas data, hindi ito nangangahulugang may utos upang tanggalin ang anumang materyales, na taliwas sa interpretasyon ng legal team ni Vic.

Samantala, sa hiwalay na desisyon, tinanggihan ng korte ang mosyon ng TV host-actor na maglabas ng show cause order laban kay Darryl kaugnay ng isang social media post na umano’y lumabag sa gag order.

Natuklasan ng korte na ang naturang post ay umulit lamang na may kaunting pagbabago, ngunit pinaalalahanan ang filmmaker tungkol sa umiiral na gag order at ang “matinding parusa” para sa anumang paglabag nito.

January 9 nang magsampa ng kasong cyber libel si Bossing Vic sa Muntinlupa RTC laban kay Darryl.

Ito ay dahil sa pagdawit sa pangalan ng batikang actor-TV host sa movie teaser bilang “rapist” umano ng yumaong sikat na starlet noong 1980s na si Pepsi Paloma.

Ang kaso ng controversial director ay aabot ng kabuuang P35 million –P20 million bilang moral damages at karagdagang P15 million bilang exemplary damages.

Kasunod nito, kinatigan ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang pag-isyu ng Writ of Habeas Data upang ipatigil ang pagpo-post at pagse-share ng teaser video ng naturang pelikula.

Ayon sa abogado ni Bossing Vic na si Atty. Enrique Dela Cruz, ang 19 counts ng cyberlibel ay tumutukoy kung ilang beses nag-post o nagbahagi ang direktor ng umano’y malisyosong pahayag o video upang i-promote ang kanyang pelikula.

Samantala, tuloy ang summary hearing ng dalawang kampo ngayong araw, January 17.

Read more...