KUNG mabibigyan ng pagkakataon, nais ni Jodi Sta. Maria na makatrabaho sa kanyang next acting projects ang magagaling na artista mula sa GMA 7.
Napakarami nang malalaki at premyadong artista na nakasama ni Jodi sa mga ginawa niyang teleserye at pelikula sa loob ng napakaraming taon niya sa mundo ng showbiz.
Kaya naman sa naganap na finale mediacon para sa nalalapit na pagtatapos ng drama series niya sa ABS-CBN na “Lavender Fields” ay natanong ang aktres kung sinu-sino pa ang mga gusto niyang makatrabaho in the future.
“I guess siguro, kung may mga gusto pa ako, ang dami, eh. Kaya lang wala sila sa ABS-CBN. Kung sino yung mga wala sa ABS-CBN, gusto kong makatrabaho,” ang sagot ni Jodi.
Wala man siyang binanggit na mga pangalan sigurado kaming ang tinutukoy niya ay ang mga prime artists ng GMA na sina Alden Richards, Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Sey pa niya, “Ang daming magagaling na artista ngayon. Ang daming revelation. Ang daming underrated. Ang daming mga theatre actor na magagaling.”
Samantala, pinuri namin si Jodi dahil hindi lang ang galing niya sa pagdadrama ang nasaksihan ng manonood sa “Lavender Fields” kundi pati na ang buwis-buhay na pag-aaksyon nila ni Janine Gutierrez.
“Like I said this is the first time na gumawa ako ng ganitong genre. Noong tinanggap ko ang role, nagkaroon ako ng doubt sa sarili ko kung kaya ko ba?
“Sabi ko na lang sa production, na every time magkakaroon ng action scene, mag-rehearse muna kami one day before. Kasi parang hindi ako confident na mag-rehearse lang ng same day.
“Memorable rin talaga sa akin ang mga scene ko with Janine, kasi lagi kaming nag-aaway. Kapag nagkikita kami, nagsasalpukan, nagtatalakan. Memorable kasi kapag nagkikita kami, hindi kami nagsasabunutan, kundi nagbubugbugan kami,” pagbabahagi ni Jodi.
Tungkol naman sa pinaka-challenging na ginawa nila ni Janine sa “Lavender Fields”, “Ito yung time na nahuli ni Iris si Jasmine sa party, at ito yung isa sa mga longest na fight scene namin, kasi ang daming numbers, na kabadong-kabado kami, na first time naming gagawin na kami lang dalawa.
“Mabuti na lang at hindi kami nagkasakitan. Sa awa ng Diyos, hindi umabot sa sakitan. Or kung meron man, hindi siya intentional, talagang nagkamali lang,” pag-alala ng aktres.
“We spent hours, days, choreographing the scenes bago namin siya i-shoot. It was a good experience. It was challenging, yes, pero for me it was a unique experience na nagawa ko sa ilang years ko sa industry,” sabi pa ni Jodi sa pagiging action star.
Ang isa lamang concern ni Jodi sa pagsabak sa maaaksyong eksena ay ang kundisyon ng kanyang katawan, “Pero thankful na rin ako na ang body ko ay kinakaya pa rin niya ang demand.
“Hindi kasi madali talaga. Kakabahan ka rin, kasi baka mamaya lalagutok na lang ang mga buto-buto mo, di ba? Na baka hindi ka na makakilos after,” aniya pa.
Ang ilan sa mga pinaka-memorable niyang ginawa sa serye ay mga eksena nila ni Lotlot de Leon na gumanap na nanay niya; nang manganak ang karakter niya as Jasmin Flores; at ang mga scenes nila ni Albert Martine as Zandro.
“I think isa sa scene na sobrang hirap na hirap ako ‘yung nanganak siya (Jasmin) kasi she’s in hiding but then kailangan niyang manganak and how do you give birth without even creating a sound.
“Excruciating ‘yung pain ng childbirth and then you are not allowed to make a sound. So parang napaka-implosive lang ng emotions,” sey pa ni Jodi.
Tutukan ang huling linggo ng “Lavender Fields” sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN, kabilang na ang Netflix.