ALAGANG-ALAGA ng pinakabagong Kapuso heartthrob na si Michael Sager ang kanyang leading lady sa Kapuso Prime series na “My Ilonggo Girl” na si Jillian Ward.
In fairness, ang tindi rin ng pala ng chemistry ng magka-loveteam on and off camera na nasaksihan namin personally sa naganap na grand mediacon ng kanilang pinakabagong serye na magsisimula na ngayong gabi, January 13.
Sa katunayan, nagtilian at nagpalakpakan ang mga dumalo sa presscon nang biglang lapitan ni Michael si Jillian habang iniinterbyu ng ilang members ng media at bigyan ng bouquet of flowers.
Ayon kay Jillian, ibang klase raw mag-alaga si Michael kapag nasa taping sila ng “My Ilonggo Girl” at talagang effort kung effort daw ang binata para mas maging natural at makatotohanan ang kanilang mga eksena sa serye.
“Si Michael super attentive niya, tina-try niya talaga ‘yung best niya para maging komportable ako.
Baka Bet Mo: Saging sa dingding nabili sa halagang P350-M, anong meron?
“Sinasabi ko nga sa mga other interviews ko may mga times na mahiyain po ako lalo na po ito romcom talaga, so may mga scenes na kilig na kilig, ganyan,” chika ni Jillian.
“Si Michael po kasi super attentive po siya, like kunwari meron po akong mga paboritong pagkain, mga paborito kong bagay parang kabisado na po niya lahat, which helps kasi nagiging komportable po ako sa kaniya.
“Talagang kinikilala niya po ako, tapos he really tries to talk to me. Nagme-message po siya, nangugumusta. ‘Yung mga ganu’n.
“So, nakaka-help po talagang nagre-reach out po siya and kinikilala niya po ako. So, kapag sa eksena parang, ‘Ah okay. Komportable na,’” nakangiti pang kuwento ng tinaguriang Star of The New Gen sa panayam ng media.
Sabi pa niya sa interview ng GMA, “Kilala niya ako, kilala ko rin siya. So, parang mas madali po kumbaga, kahit may mga eksena na may yakapan ganu’n, parang mas kaya ko na po ganyan.”
Sa kuwento, dalawang karakter ang gagampanan ni Jillian — sina Tata at Venice na magkaibang-magkaiba ang ugali at personality habang si Michael naman ang magbibigay-buhay sa karakter ni Francis.
Saad ni Jillian, “I feel so blessed and happy kasi 15 years na ako sa industry pero grabe pa rin ‘yung tiwala sa akin ng GMA, and first time kong magkakaroon ng teleserye with GMA Public Affairs. Nae-excite ako kasi ibang-iba siya sa mga nagawa ko na at marami akong natutunan na bago.”
“First time kong magkontrabida talaga tapos dalawa pa ‘yung characters ko. First time ko ring magka-character na galing province kasi mostly ang mga characters ko taga-Maynila.
“Ibang Jillian ang makikita nila dahil mayroong dalawang Jillian sa show na magkaibang-magkaiba. Ang role ko rin po rito, something fresh and light, pampagaan ng gabi bago matulog ang mga tao,” kuwento pa ng dalaga.
Kasama rin sa cast ng unang kilig serye ng GMA ngayong 2025 sina Teresa Loyzaga, Arlene Muhlach, Andrea del Rosario, Richard Quan, Arra San Agustin, Yasser Marta, Matt Lozano, Empoy Marquez, Geo Mhanna, Vince Maristela, at Lianne Valentin.
Masasaksihan na ang world premiere ng “My Ilonggo Girl” ngayong gabi, January 13, 9:35 p.m. sa GMA Prime. Ito’y mula sa direksyon ni Conrado Peru.