Gerald Santos nag-release ng single na ‘Hubad’, may pa-concert pa para sa fans

Gerald Santos nag-release ng single na 'Hubad', may pa-concert pa para sa fans

Gerald Santos

Trigger Warning: Mentions of sexual abuse, harrassment.

MARAMING nagulat sa pag-amin ni Gerald Santos nang humarap siya sa Senado noong  August last year na naging biktima siya ng sexual abuse ng kilalang musical direktor noong edad 15.

Halos dalawang dekadang nanahimik ang singer-actor hanggang nalaman ito ng publiko dahil naimbitahan siya bilang resource person na may kinalaman sa reklamong isinampa ng kapwa-aktor na si Zandro Muhlach na biktima rin ng pang-aabusong sekswal.

Si Gerald ang grand champion second season ng “Pinoy Pop Superstar” (2006) na si Regine Velasquez pa ang host noon.

Magsisimula pa lang sana ang pangarap niyang inaasam-asam mula bata nang bigla siyang mawala ng taong 2010 nang walang nakakaalam, ‘yun pala nangyari na ang pang-aabuso sa kanya ng nasabing musical director.

Baka Bet Mo: Gerald Santos pinangalanan na ang nanghalay sa kanya: Handa na ‘ko!

Pero kailangang labanan ni Gerald ang hamon ng buhay kaya taong 2016 ay nag-audition siya sa papel na Thuy sa “Miss Saigon” at hindi naman siya nabigo dahil dalawang taon siyang kasama sa international tour ng nasabing musical play mula 2017 hanggang 2019 kung saan nagtanghal sila sa limang bansa sa United Kingdom at Europe.

Kahit na ilang taong nawala at nasa ibang bansa ang singer-actor ay hindi naman siya nawawala sa kamalayan ng publiko dahil kapag nakakauwi siya ng bansa ay nagpapatawag ng mediacon ang manager niyang si Ginoong Rommel Ramilo.

At heto muling mapapanood si Gerald sa kanyang “Courage” concert na gaganapin sa SM North Edsa Skydome sa January 24, Biyernes, sa ganap na 7 p.m.

Ito ay produced ng EchoJham at Visionary kasabay na rin ng launching ng Courage Movement.

Kasabay ng kanyang concert ang launching ng bago niyang single na “Hubad” na sinulat ni Feb Cabahug ar kaka-release lang nitong January 10 sa digital music platforms.

Bukod sa bagong single ni Gerald ay may pelikula rin siyang “Ayaw Matulog Ng Gabi” na ang scriptwriter at direktor ay ang NBI agent na si Ronald Sanchez na ipapalas sa mga sinehan soon.

Samantala, naisip ng ilang dumalo sa kanyang mediacon na may kinalaman ito sa ginawang paghuhubad sa kanya (pang-aabuso) ang awiting “Hubad.”

“Hindi naman parang destiny kasi nagkataon na nagbasa ako ng spam messages at doon ko nakita ‘yung alok ng composer and was willing to pay me just to sing her song.

“Since nagandahan ako sa song sabi ko, you don’t need to pay me, let’s just collaborate dahil naniniwala ako sa kanta,” kwento ni Gerald.

Nang mapakinggan namin ang kanta ay maganda ito at sabi nga nakaka-LSS o last song syndrome, kaya inspired ba si Gerald sa awiting ito mula sa pinagdaanan niya.

“Actually, ‘yung naranasan ko, it was not a good experience, I would say na mula nu’ng mangyari ‘yun, it made me a strong person.  Kung ano ‘yung wisdom na meron ako ngayon through time na-develop ‘yung strength ko as a person hindi lang dahil sa nangyari kundi lahat ng pinagdaanan ko, nagsama-sama na accumulative, e, ‘yan lumabas na lang sa Hubad,” napangiting sagot ng binata.

Dagdag pa, “Sa mga pinagdaanan ko, that made me who I am right now kung hindi dahil sa mga pinagdaanan ko ay hindi mangyayari kung sino ako ngayon. Kaya I’m thankful for that and I’m ready to face kung ano pa ang mga darating at mas matibay na ako as a person para sa mga pagsubok pang darating.”

Gerald Santos with the media

Dahil sa naging experience ni Gerald sa kamay ng umabuso sa kanyang miyembro ng LGBTQ ay ano na ang pananaw niya sa komunidad?

“I have nothing personal with the LGBTQ plus community and you know, ‘yung nangyari sa akin was isolated tapos itong person (nang-abuso) na ito, he didn’t represent the community really well,” sey niya.

Wika pa ng singer, “So, it’s really the person, ‘yung kasalanan niya hindi naman kasalanan ng buong LGBTQ community, siya lang ‘yun, so, hindi dapat madamay ang buong community.”

Matatawag bang bangungot o destiny ang nangyaring ito kay Gerald?

“Destiny, everything happens for a reason, lahat mayroong dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay kasi hindi naman ‘yan hahayaan ng Diyos kung hindi meant to be, kaya for me it’s destiny,” nakangiting sabi ni Gerald.

Going back to Courage concert ay inamin ni Gerald na may makikitang bago ang mga manonood sa kanyang performances at may mga pa-sexy din siyang mga sayaw kaya naman kinilig mga kasamahan namin sa trabaho.

Kaya sa mga supporter friends ni Gerald ay magkita-kita tayo sa January 24, SM North Skydome with guest Sheryn Regis at surprise guests at mabibili ang tickets sa lahat ng SM Tickets.

Read more...