HUMILING sa korte ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap ng gag order para pigilan ang kampo ni Vic Sotto na magsalita tungkol sa 19 counts of cyberlibel na isinampa laban sa kanya.
Ito’y kaugnay pa rin ng pinag-uusapang teaser video na inilabas ni Direk Darryl sa social media para sa pelikula niyang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Ayon sa abogado ni Darryl Yap na si Atty. Raymond Fortun, naghain na sila sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ng petisyon para isyuhan ng gag order si Bossing Vic hinggil sa kanilang kaso.
Sabi ng abogado, magbibigay ang kanyang kliyente ng “verified return” tungkol sa kanyang pelikula na hindi pa naipalalabas, kaya naman hinihiling nila na pagbawalan ang kampo ni Vic “from disclosing the contents of the verified return to the public.”
Baka Bet Mo: Lolit Solis sa Vic Sotto-Darryl Yap: Talagang nasagad ang galit
“Further considering that the verified return shall involve an unreleased film by a prominent director, any disclosure of the verified return would not only violate the Respondent’s freedom of expression, but it shall also cause grave and irreparable damage to the Respondent’s artistic license and outcome of the film,” ang nakasaad sa kanilang mosyon.
Samantala, nabanggit din ni Fortun na wala pa silang natatanggap na kautusan mula sa Muntinlupa Regional Trial Court sa pagpapatigil ng pagpapalabas at paggamit ng promotional materials ng “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Ito’y matapos na katigan ng korte ang inihaing petisyon ng kampo ni Vic sa korte para sa writ of habeas data. Hiniling ni Bossing ang pagpapatigil at tuluyang pagtanggal ng promotional materials online ng pelikula ni Darryl Yap.
Base sa inilabas na kautusan ng MRTC, inatasan nila ang direktor na magsumite ng “verified return on the writ” sa loob ng limang araw mula sa pagkatanggap nito sa petisyon.
Sabi ni Atty. Fortun, “Writ was issued, no stop order.” Kasabay nito ang paninindigan ni Darryl na ilalaban nila ang kanilang karapatan sa “freedom of artistic expression.”
Nitong nagdaang Huwebes, January 9, 2025, nagsampa si Vic sa Muntinlupa City Regional Trial Court ng 19 counts ng cyber libel laban kay Darryl.
Humihingi ng kabuuang P35 million ang TV host-actor para sa danyos.
Sabi naman ni Darryl Yap, “Sa huli, Katotohanan lang ang depensa sa lahat ng Katanungan.
“Alam ng mga nakakaalam noon, at alam na ng mga nagtatanong ngayon. Delia, Pepsi — Babalik tayo sa Korte,” sabi pa niya.