Harden, Lin nagtulong para biguin ang Knicks
NEW YORK — Nagbalik sa paglalaro si James Harden at nagbalik din si Jeremy Lin sa Madison Square Garden kung saan nabuo ang “Linsanity” dalawang taon na ang nakararaan.
Nagtulung-tulong ang dalawang ito para tapatan ang season-high 45 puntos na ginawa ni Carmelo Anthony kahapon para pangunahan ang 109-106 panalo ng Houston Rockets kontra New York Knicks kahapon sa NBA.
Umiskor ng 36 puntos si Harden sa pagbabalik niya mula sa bruised left foot injury. Nagdagdag naman ng 21 puntos ang dating Knicks player na si Lin.
May 22 puntos din si Chandler Parsons at 15 rebounds si Dwight Howard para sa Rockets. Lamang ng tatlo ang Rockets, 107-104, may limang segundo na lang ang nalalabi nang ipasa ni Iman Shumpert ang bola kay Anthony sa isang inbound play.
Agad na nagbigay ng foul si Harden kay Anthony ngunit tumira pa rin ng tres ang forward ng New York at pumasok ito.
Nais ng mga Knicks fans na mabigyan ng pagkakataong makagawa ng four-point play si Anthony pero matapos i-review ng mga referee ang video ng play ay nakitang na-foul ni Harden si Anthony bago pa ito nakaporma para tumira ng tres.
Naipasok naman ni Anthony ang dalawang free throw pero lamang pa rin ang Houston, 107-106. Sa sumunod na play ay si Harden naman ang ipinadala ng Knicks sa free throw line kung saan naibuslo niya ang dalawang gift shots.
Sa huling play ng laro ay nagmintis mula sa three-point area si JR Smith na maghahatid sana sa laro sa overtime.
Warriors 116, Thunder 115
Sa Oakland, naipasok ni Andre Iguodala ang baseline fadeaway sa pagtunog ng final buzzer para pagbidahan ang panalo ng Golden State. Nagtapos siya na may 14 puntos at 9 assists.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.