YUNG nasaksihan ko sa Tacloban City noong Lunes ay di ko makakalimutan.
Parang masamang panaginip ang nasaksihan ko.
Nagdala ako ng medical and mercy mission na kinabibilangan ng 11 doktor ng St. Luke’s Medical Center at 6 na non-medical people, kasama na ang inyong lingkod.
Dumating kami ng Lunes, tatlong araw matapos bugbugin ng supertyphoon “Yolanda” ang Tacloban at ibang lugar sa Leyte at Samar.
Napasabak agad ang medical mission dahil maraming pasyente.
Ubos agad ang mga medisinang dinala ng grupo ilang oras pa lang naitatayo ang aming make-shift hospital at clinic sa premises ng Tacloban airport.
Isa sa mga unang pasyente ay 18-anyos na dalaga na maraming sugat.
Patay ang kanyang mga magulang at siya at kanyang kapatid na lalaki ang nakaligtas dahil nakakapit sila sa isang sanga ng punongkahoy.
Sinabi ng dalaga na muntik na siyang magahasa ng ilang kalalakihan na maaaring mga takas na bilanggo.
Noong kasagsagan ng “Yolanda”, nakawala o pinakawalan ang mga bilanggo sa Leyte Provincial Jail. Ang mga ito ay nagtatag ng kanya-kanyang grupo na nanloob sa kabahayan, nanggahasa ng kababaihan at nang-loot ng mga malalaking tindahan.
Isang prominenteng doktor ng siyudad, sabi ng isa sa ilang pasyente, ang nilooban ng isa sa mga grupong nabanggit, kinuha ang mga gamit at pera sa bahay, at ginahasa ang babaeng anak. Di pa nakontento, pinatay pa ang batang babae.
Isang department store ang nilooban ng isa pang grupo at pinaggagahasa ang mga 15 na babae na stay-in.
May dinalang apat na taong gulang na batang duguan sa clinic at nag-iiyak habang ginagamot ang kanyang sugat sa ulo dahil sa pagkakabagok.
Tinanong ko kung saan ang mga magulang ng bata. Sinabi sa akin ng babaeng nagdala sa kanya na wala na itong mga magulang dahil nalunod sa pagtaas ng dagat.
Inampon na ng babae ang bata at dadalhin na ito sa Cebu.
Libu-libong tao ang naghihintay na maisakay ng eroplanong C-130 ng Philippine Air Force patungong Cebu. Nagtutulakan ang mga tao upang maunang sumakay sa eroplano ng Air Force.
Nakita ko na may dalawang batang nahiwalay sa kanilang magulang at naisali sa isang grupo na sasakay na sa eroplano. Umiiyak ang mga bata dahil nawalay sila sa kanilang mga magulang.
Ang mga magulang ng dalawang bata ay nagbilin sa kanilang kaibigan na napasama sa grupo na sasakay na alagaan muna niya ang mga bata habang hinihintay nila ang sunod na mga biyahe patungong Cebu.
Mga 30 lang katao ang maisasakay sa C-130 kaya’t hinarang ng mga sundalo at pinigil ang makapal na crowd na huwag pumasok sa tarmac kung saan nakaparada ang mga eroplano.
Ang mga may sakit at matatanda ang binibigyan ng prayoridad na makasakay sa eroplano. Ang rekomendasyon kung sinong maysakit ang sasakay ay galing sa aming clinic.
Ang aking grupo kasi ay nakipagtulungan na sa grupo ng apat na military doctors na nauna sa aming dumating sa Tacloban.
Kami ang kauna-unahang grupo na non-government ang nakarating sa Tacloban matapos sinalanta ni Yolanda ang Eastern Visayas.
May tinulungan akong lalaki na namaga ang tuhod na makasakay sa C-130 ng US Air Force kasama ang kanyang asawa.
Sumali na ang US Air Force na isakay ang mga taong gusto nang umalis sa Tacloban.
Lahat yata ng tao ay gusto nang lisanin ang Tacloban City dahil wala na silang kabuhayan dito.
Halos lahat ng bahay ay sinira ni “Yolanda”. Parang binagsakan ng atomic bomb ang siyudad, reminiscent of Hiroshima and Nagasaki that ended World War II.
There was no more distinction between the rich and the poor in the crowd wanting to leave the city.
Lahat pantay-pantay na. Lahat walang nagugutom at nauuhaw.
Maraming tao ang pumunta sa aming tent at humingi ng tubig o pagkain.
Nagdala ako ng isang toneladang pagkain, pero hindi sapat ito sa napaka-kapal na crowd sa airport.
Kung pagbibigyan namin ang mga humihingi ng tubig at pagkain baka maubos ang aming supply ng tubig at mga de latang pagkain.
Kung minsan ay tinatago namin ang mga bottled water sa mga tao.
Hindi kami kumakain na nakalantad sa mga taong nakalinya dahil baka agawin ang kinakain sa tindi na kanilang pagkagutom.
It was survival. Each one for himself.
Ganoon pa man ay marami kaming napakaing tao at nabigyan ng tubig.
Of course, mas maraming pasyente ang nagamot ng aking grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.