TINGNAN: Bagong polymer banknote series ibinandera ng BSP

TINGNAN: Bagong polymer banknote series ibinandera ng BSP

PHOTO: Facebook/Bangko Sentral ng Pilipinas

KASABAY ng papalapit na Bagong Taon, magkakaroon na rin ng bagong pera ang ating bansa!

Ibinandera na kasi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang unang polymer banknote series.

Ang mga bagong disenyo ng P50, P100, at P500 ay ipinakita kay Pangulong Bongbong Marcos sa isang seremonya sa Malacañang noong Huwebes, December 19.

Excited na ba kayong makita kung ano ang itsura ng mga bagong pera?

Baka Bet Mo: Netizen aksidenteng naplantsa ang polymer banknote: Goodbye P1k

P500 polymer banknote

Tampok sa P500 polymer banknote ang Visayan spotted deer na sumisimbolo sa kalinawan at talas.

Nabanggit din sa Facebook post ng BSP na makikita rin diyan ang Acanthephippium mantinianum.

“Parehong endemic at threatened na hayop at bulaklak sa Pilipinas,” paglalarawan sa Facebook post ng ahensya.

Dagdag pa, “Makikita sa likod ng banknote ang Puerto Princesa Subterranean River National Park at ang critically endangered na blue-naped parrot.”

P100 polymer banknote

Ang shino-showcase naman sa bagong P100 ay ang Palawan peacock-pheasant at Ceratocentron fesselii, isang endemic at critically endangered na orkidyas sa Pilipinas.

Ito ay sumasalamin sa kagandahang-loob ng mga Pilipino kahit sa mapanghamong panahon.

Makikita rin sa likod ng banknote ang bulkang Mayon at ang endangered whale shark o butanding.

P50 polymer banknote

Matutunghayan naman sa P50 polymer ang endemic at threatened na Visayan leopard cat at Vidal’s lanutan. 

Ayon sa BSP ito ay sumisimbolo sa kalayaan at liksi.

Sa likod ng banknote ay makikita naman ang Taal Lake at maliputo.

Alam niyo ba, mga ka-BANDERA na ang mga polymer banknote ay maaaring tumagal ng hanggang pito at kalahating taon.

Ito ay limang beses na mas matagal kaysa sa mga papel na pera.

Dahil diyan, sinabi ni Pangulong Bongbong na ang Pilipinas ay tiyak na makakatipid at mapapangalagaan pa ang kalikasan.

“By upgrading our currency, we are making sure that every hard-earned peso stays safe, whether it is saved, whether it is spent, or whether it is invested,” sey ng presidente.

Samantala, nilinaw ng BSP na ang banknotes na may historical figures ng bansa o ‘yung perang papel ay mananatili pa rin.

“The banknotes with historical figures will circulate alongside the newly launched ‘First Philippine Polymer Banknote Series,’ which showcases the country’s rich biodiversity,” saad sa isang pahayag.

Ang mga bagong pera ay sisimulan nang ipaikot sa Greater Manila sa December 23, ngunit limitado lamang.

Magiging available naman ito sa buong bansa pagdating ng January 2025.

Kung matatandaan, inilunsad noong 2022 ang P1,000 polymer banknote.

Read more...