TOL: Loan condonation, mga titulo ng lupa pinakamagandang Pamasko sa mga magsasaka mula kay PBBM

TOL: Loan condonation, mga titulo ng lupa pinakamagandang Pamasko sa mga magsasaka mula kay PBBM

Ipinakikita sa mga larawan ang interaksyon ni Sen. TOL sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) na dumalo sa pagtitipon sa Cadiz City, Negros Occidental.

DUMALO si Senador Francis ‘TOL’ Tolentino sa pamamahagi sa 9,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng loan condonation certificates at mga titulo ng lupa sa Cadiz City, Negros Occidental.

Ang paglalarawan pa nga niya riyan ay “pinakamagandang Pamasko sa mga magsasaka” mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong taon.

Ipinamahagi ang 9,707 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) sa 6,125 ARBs mula sa naturang probinsya.

Sinalo ng COCROMs ang P816.69 milyon na pagkakautang ng mga magsasaka sa Land Bank, na sumasakop sa 6,413 ektarya ng lupaing agraryo.

Bukod dito ay namahagi rin ng 4,348 electronic o e-titles sa 2,220 ARBs na sumasakop sa 2,517 ektarya.

Baka Bet Mo: TOL kinilala ang mga magsasaka para maging ‘culinary capital’ ng PH ang Pampanga

Pinagkalooban naman ng 969 Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) ang 682 ARBs na sumasaklaw sa 419 ektarya ng mga sakahan.

“Pasalamatan natin si Pangulong Marcos sa pagpirma sa makasaysayang batas, kung kaya naging posible ang lahat ng ito. Salamat din kay Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. Conrado Estrella sa kanyang sipag sa pagkumbinsi sa mga senador na aprubahan ang panukalang ito,” ayon pa kay TOL, kaugnay sa Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Reform Emancipation Act.

“Nawa’y pangalagaan n’yo ang mga dokumentong ito na nagpapatunay sa malasakit at pagkilala ng pamahalaan sa inyong kontribusyon sa ekonomiya at seguridad sa pagkain ng bansa,” sambit ng senador sa mga dumalo sa Cadiz Arena.

Ang pagtitipon ay dinaluhan din nina Negros Occidental Vice Governor Jeffrey Ferrer, Cadiz City Mayor Salvador Escalante, DAR Assistant Secretary Rodolfo Castil, Jr., DAR Regional Director for the Negros Island Region Lucrecia Taberna, at marami pang opisyal.

Read more...