NAGPAKATOTOO ang action star at public servant na si Sen. Bong Revilla nang tanungin kung meron na bang nagpakilala sa kanya na anak pala niya sa ibang babae.
Sa naganap na grand mediacon ng Kapuso weekly action-comedy series na “Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis Season 3″, napag-usapan ang tungkol dito dahil sa isang eksena sa ipinalabas na trailer.
Ito yung special participation ni Jillian Ward sa pagbabalik ng programa sa GMA 7 kung saan gaganap siya bilang Dra. Barbara na anak ng ex-girlfriend ni Tolome, ang karakter ni Sen. Bong.
Una munang tinanong ang award-winning actor kung ano ba ang idea niya sa isang “matinik na misis.”
Baka Bet Mo: Sandro posibleng makasama sa season 3 ng action-comedy show ni Bong
“Ang matinik na misis sa akin yung matalino, mapagmahal, may puso, at sensitive sa lahat ng mga ginagawa ko at sensitive sa lahat ng ginagawa niya sa tao. Yun ang isang matinik na misis para sa akin. Si Lani (Mercado) iyon, di ba?” pahayag ni Sen. Bong.
Pag-amin niya, true-to-life story raw ang “Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis” na isa rin sa mga pelikulang pinagtambalan nila noon ni Congresswoman Lani.
Kaya naman natanong din ang Titanic Action Star kung may pagkakataon na bang may nagpakilala sa kanya na anak pala niya.
Sagot ni Sen. Bong, “Well, kung talagang ano, siyempre una, tanungin mo kung sino ang nanay, di ba? Kung dumating ang ganung pagkakataon, ipa-DNA mo. Dahil kung talagang anak mo siya, dapat panagutan mo yon.”
May ganu’ng eksena na bang ganu’n sa tunay na buhay niya? “Alam ni Lani iyon kung ano yung totoo. Meron, meron at makikilala niyo rin kung sino sila.
“Hindi mo naman puwedeng itago iyan. Unfair iyon para sa mga bata. Kapag anak mo, aakuin mo, dugo mo iyan at hindi ko ikinahihiya iyan,” ang diretsahang sabi pa ng aktor.
Samantala, sa trailer pa lang ng “Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis”, talagang pinagkagastusan, pinaghandaan at pinaghirapan ito ng produksyon. Ito’y mula sa direksyon nina Enzo Williams at Rechie del Carmen.
Reaksyon nga ng halos lahat ng nasa presscon, para na itong pelikula na pwedeng-pwedeng ilaban sa Metro Manila Film Festival.
“Special season ito. Pero masasabi ko, pitong episodes na napakatindi, at tingin ko it’s better than 1 and 2. Kasi mas buo yung puso. Buo yung sa family values na makukuha mo. At maraming aral na matututunan.
“Ito yung season na natatawa ka pero maiiyak ka, yung ganun. Tapos, at the same time, yung actions natin, matitindi. Maraming mga action scenes na talagang death-defying stunts na ginawa, kaya abangan niyo iyan. May underwater scenes,” pagmamalaki pa niya sa season 3 ng kanilang programa.
Tungkol naman sa mga ginawa niyang buwis-buhay stunts at action scenes, triple na ang pag-iingat niya ngayon matapos nga siyang maoperahan sa Achilles’ tendon.
“Yung ingat, nandu’n palagi iyan, e. Hindi ka puwedeng hindi mag-ingat sa lahat ng action scenes na gagawin mo, e.
“Pero pag nag-grind na kasi yung camera, pag sinabi, ‘O, action!’ nawawala na yung takot mo, yung fear mo. Lahat ng ano, gagawin mo, e.
“Kahit sinasabi ni Direk Enzo, ‘O, eto lang ang gagawin mo, ha?’ Siyempre, fresh pa yung wound ko. ‘No, I’ll do it!’ ‘O, o, o, o!!!’ gumaganu’n sila.”
Inamin niyang may mga minor accidents pa ring nangyari sa shooting ng season 3 ng serye, “Sa akin, yung aksidente, sa effects, minsan tinatamaan ako. Black and blue, minsan may mga dugo pa.
“But that’s normal. Kaya makikita n’yo sa mga behind-the-scenes natin na talagang… ganun talaga ang action. May mga blasting.”
Mapapanood na ang “Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis” simula sa December 22, Sunday, 7:15 p.m. sa GMA 7. Kasama pa rin dito sina Beauty Gonzalez, Raphael Landicho, Carmi Martin, Niño Muhlach, Maey Bautista, Jestoni Alarcon, Liezel Lopez, Joko Diaz, Boss Toyo, Leo Martinez, at Jeffrey Tam.
May special participation din dito sina Gloria Diaz, Jay Manalo, Sid Lucero, Ryan Eigenmann, Faith da Silva, Long Mejia, Neil Ryan Sese, King Gutierrez, Jon Lucas, at Roxie Smith.