Sandro posibleng makasama sa season 3 ng action-comedy show ni Bong
POSIBLENG makasama ang Sparkle artist na si Sandro Muhlach sa Season 3 ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla.
Masayang ibinalita ng actor-public servant na tuloy na tuloy na ang ikatlong season ng Kapuso action-comedy show at magsisimula na silang mag-shooting next month.
Pero bago pa nga kumpirmahin ni Sen. Bong ang tungkol sa pagbabalik ng kanilang programa sa GMA ay naibalita na ito ng isa sa kanyang co-stars na si Niño Muhlach.
Baka Bet Mo: Pelikula nina Bong, Coco, Robin at Lito pinaghahandaan na para sa MMFF 2024
Ang post ng dating child wonder sa kanyang Facebook page, “Abangan kami ulit sa WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS season 3 this december 2024.”
Kahapon, September 18, sa bloodletting event na pinangunahan ng aktor at senador na ginanap sa Amoranto Sports Complex, Roces Avenue sa Quezon City, natanong siya tungkol dito.
View this post on Instagram
“Magte-taping ako nitong October. At medyo okay-okay na, nakakalakad na ako nang diretso.
“Nakaka-jogging na ako. So, yung Achilles tendon ko is healing very well. Naalala mo rito, Mayor, nu’ng lumalakad ako, nakabaston pa ako,” ani Sen. Bong na ang tinutukoy ay si Mayor Joy Belmonte.
Ang alkalde ng Q.C. ang nakatuwang niya sa “Dugong Alay: Pandugtong Buhay” bloodletting event na bahagi ng kanyang 58th birthday celebration. Sa September 25 ang eksaktong kaarawan ng senador.
Patuloy ng mister ni Congresswoman Lani Mercado, “But at least now, nakakalakad na ako. Thank God, at sa lahat ng nagdasal para sa aking speedy recovery. Napakaimportante ng paa. Pag iisa lang ang paa mo, my God! Mahirap, mahirap.”
Dagdag kuwento pa ng veteran action star tungkol sa 3rd season ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis”, “Maraming sorpresa, ia-announce natin sa susunod nating presscon sa GMA.”
Nagulat at natawa naman si Sen. Bong nang tanungin kung makakasama ba si Sandro Muhlach sa season 3 lalo’t kasama pa rin nila sa show ang ama nitong si Niño.
“Why not? Ha-hahaha! Natawa tuloy ako,” sey ng aktor.
Matatandaang isa sa unang nilapitan ni Niño bago lumantad sa publiko at magsampa ng demanda si Sandro laban sa mga independent contractors ng GMA 7 na sina Jojo Nones at Richard Cruz, ay si Sen. Bong at si Congw. Lani.
Kasunod nito, nagkaroon nga ng Senate hearing hinggil sa talamak na issue ng sexual abuse o sexual exploitation sa mga kabataang artista.
“Well, yung mga ganyan, para sa akin, considered closed case. Kumbaga, nai-file na sa korte. Pabayaan na natin sa korte iyan. Habang nada-drag yan, kawawa din naman si Sandro, ang pamilya Muhlach.
“Basta ang importante ay maiwasan yung mga ganu’ng pangyayari,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.