ISINUGOD sa ospital ang aktres at negosyanteng si Neri Naig-Miranda ilang araw matapos maaresto at makulong dahil sa patung-patong na kaso.
Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pag-transfer kay Neri sa hindi nabanggit na ospital mula sa Pasay City Jail Female Dormitory.
Ayon sa spokesperson ng BJMP na si Jayrex Bustinera, Biyernes nang gabi nang dalhin ang misis ng Parokya ni Edgar vovalist Chito Miranda.
“Lumabas ang court order na dalhin siya sa ospital not more than 5 days.
“Ito ay ipinag-utos ng judge ng RTC 112 kung saan naka-file ang kanyang kaso,” sabi ni Bustinera sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
“Kagabi po bandang alas 8 ng gabi. BJMP lang ang nagdala, mayroon naman pong 24 security para doon,” dugtong pa niya.
Mismong ang legal counsel daw ni Neri ang nag-request na dalhin ang aktres sa ospital.
“According sa order ng judge, ito ay para i-assess ang kanyang medical condition at kanyang well being. Inutusan kami ng BJMP na dalhin siya sa ospital at na-comply naman kami kagabi,” ani Bustinera.
Natanong din siya kung may health problems ba si Neri, “May medical examination naman tayo pagdating niya. Tsine-check naman natin bago pumasok sa BJMP. Normal naman.”
Sa isang hiwalay na panayam ng ABS-CBN, dinala raw si Neri sa ospital “for medical evaluation.”
“RTC Branch 112 ordered the BJMP to bring PDL Nerizza Miranda to a hospital for medical evaluation. She was transferred last 29 November at around 8 p.m.,” aniya.
Inaresto at ikinulong si Neri dahil sa umano’y paglabag sa Securities Regulation Code, estafa at syndicated estafa.